Inianunsyo ng prosekusyon na maghaharap ito ng limang paunang saksi ngayong taon sa paglilitis sa dating presidente na si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC). Ginawa ang anunsyo sa pang-apat na status conference (paunang pagdinig) na isinagawa sa ICC Trial Chamber III sa The Hague, The Netherlands noong Oktubre 13. Personal na dumalo si Duterte sa pagdinig, matapos muling ibasura ng korte ang petisyon ng kanyang mga abugado na ideklara siyang “unfit for trial.”

Isinagawa ang pang-apat na status conference bilang paghahanda sa pormal na paglilitis na sisimulan na sa Nobyembre 30. Tinalakay dito ang huling mga hakbang para masigurong magiging maayos ang pagbubukas ng paglilitis, kabilang na ang mga pangbukas na pahayag o opening statement ng prosekusyon at depensa.

Sa kumperensya, naging mainit ang talakayan tungkol sa napakalaking bilang ng ebidensya at mga dokumento na inihapag. Para linisin ito, nagpanukala ang prosekusyon na bawasan ng halos 7,000 aytem ang ebidensya at magkaroon ng kasunduan (o stipulations) sa mga upisyal na ulat. Tinanggihan ito ng mga abugado ni Duterte sa pangunguna ni Atty. Peter Haynes.

Sa kabilang banda, tinanggihan ng korte ang mosyon ng depensa na ilimita ang ebidensya sa 10,000 dokumento lamang. Ayon sa Presiding Judge ng Trial Chamber III na si Joanna Korner, kung lilimitahan ang prosekusyon, maaaring hindi nila maibigay o mailitaw ang lahat ng mahalagang ebidensya. Maaari ring malabag nito ang obligasyon ng prosekusyon na ilantad at ibigay ang lahat ng impormasyon at ebidensya (disclosure obligations) na makatutulong para sa patas na paglilitis at sa panig ng mga biktima.

Kaugnay sa mga saksi, tinalakay sa status conference ang seguridad at proteksyon ng mga saksi sa mga pagdinig at paghahanda sa ICC. Kabilang sa mga hakbang ng ICC ang espesyal na proteksyon kung saan tinatakpan (redacted) o pinapalitan ng mga numero o koda ang mga pangalan at personal na impormasyon ng mga saksi upang hindi sila makilala ng publiko o ng kabilang panig hangga’t hindi pa kinakailangan. May kapangyarihan din ang Trial Chamber na magsagawa ng mga saradong pagdinig (closed hearing) kapag ang mga testimonya o detalye ay maaaring maglantad o maglagay sa panganib sa buhay at seguridad ng isang saksi.

The post 5 paunang saksi, ihaharap ng prosekusyon sa paglilitis kay Duterte sa ICC ngayong taon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.