Mariing kinundena ng Karapatan National Capital Region (NCR) at Bayan Muna-Quezon City ang walang habas na pamamaril ng isang tauhan ng Quezon City Task Force Disiplina (QC TFD) noong Oktubre 12. Napatay niya ang tatlong kabataan sa Barangay Batasan Hills.
Bumibili lamang ng gamot at pagkain ang limang kabataan sa isang tindahan bandang alas-2 ng umaga sa araw na iyon sa Senatorial Road, Barangay Batasan Hills nang sila ay sitahin ng lasing na tauhan ng QC TFD na may alyas na “Vin” dahil sa sinasabing paglabag sa curfew. Nauwi sa pamamaril ang paninita. Agad na nasawi ang tatlong kabataan na edad 19, 18 at 15 na may tig-iisang tama ng bala, habang nakatakbo naman ang dalawa nilang kasama.
Ilang oras ang nakalipas, nahuli ang suspek at nakumpiska ang isang kalibre .38 baril na ginamit sa krimen. Sa isang panayam sa suspek, ipinagmalaki niya pa na wala syang pinagsisihan sa kanyang ginawa at tama lamang na namatay ang tatlong kabataang na tinawag niyang “salot sa lipunan”.
Kinabukasan, nagpahayag si Joy Belmonte, meyor ng Quezon City, na binuwag na ang task force. Agad siyang naghugas-kamay sa pagpapaliwanag na walang iniisyu na baril sa mga tauhan ng task force.
Ayon sa Bayan Muna-Quezon City, hindi na bago ang pangaabuso ng ilang tauhan ng QC TFD. Kilala ang ahensya bilang notoryus sa paglabag sa karapatan ng mga maralita sa lungsod ayon sa grupo.
Isa sa mga kinasangkutan nitong kontrobersya ang naganap noong 2020 na walang-awang pananakit at pagsira sa paninda ng isang tindera ng isda sa Barangay South Triangle dahil sa sinasabing paglabag sa mga protokol noong pandemya. Dagdag ng grupo, maraming reklamo ng pang-aabuso, pananakot at pagkasira ng hanapbuhay ang kinasangkutan ng ahensyang ito, lalo na noong pamumuno ni Rannie Ludovica, kilalang tagasuporta ng mga Duterte.
Ayon sa Bayan Muna-Quezon City, ang ganitong uri ng karahasan laban sa mamamayan ay higit na lumalaganap dahil sa walang patumanggang pagpapalagap ng ‘kultura ng karahasan’ na gubyerno mismo ang pasimuno. Nakikita ito sa mula sa pekeng gera sa droga ni Duterte na pumatay sa hindi bababa sa 20,000 indibidwal hanggang sa nagpapatuloy na pasismo ng estado ng kasalukuyang rehimeng Marcos.
Ayon sa Karapatan-NCR, Ang karapatang mabuhay ay hindi maaaring ipagkait sa ngalan ng disiplina. Ang ganitong utak-pulbura na mentalidad ay sumasalamin sa mapanganib na paggamit ng kapangyarihan laban sa mamamayan at sa pagwawalang-bahala sa mga batayang karapatang-tao.
Nananawagan ang mga grupo ng agarang imbestigasyon at papanagutin ang mag tauhan ng QC TFD na may rekord ng paglabag sa karapatang-tao, iwaksi ang karaharasan laban sa mga mamamayan ng lungsod at irebyu ang ordinansa sa curfew. Dapat ding siyasatin ang pananagutan ng institusyong nagpahintulot sa ganitong pang-aabuso.
The post Tatlong kabataan, pinatay ng tauhan ng Task Force Disiplina sa Quezon City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

