Mariing kinundena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)-Albay ang panibagong kaso ng pamamaslang sa mga mamamahayag sa Albay. Binaril si Adrian Loterte sa loob ng kanyang panaderya sa Barangay San Roque, Daraga, Albay bandang alas-4 ng hapon noong Oktubre 12 ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na lulan ng motorsiklo.
Kilala si Loterte bilang “Golden Boy” sa kanyang block-time radio program na “Rabas Cun Rabas” sa 92.3 DWIZ News FM. Nagsilbi din siya bilang anchor ng RBN News Television, isang programa sa pagbabalita sa social media.
Ilang oras bago siya pinaslang, nag-post siya sa kanyang social media tungkol sa umano’y korapsyon at iregularidad sa lokal na operasyon ng kwarti at mga Ore Transport Permit (OTP). Nangako siyang ibubunyag ang karagdagang impormasyon sa kanyang programa.
Ayon kay Aireen Perol-Jaymalin, isa sa mga pambansang direktor ng NUJP at editor-in-chief ng BicoldotPH, dapat kundenahin ang pang-aabuso, pananakot, banta, at pag-atake laban sa mga manggagawang midya anuman ang kanilang kinabibilangang grupo, plataporma, o paninindigang editoryal.
Aniya, nakababahala ang nagpapatuloy na mga insidente ng pagpatay, pagbabanta, pang-aabuso, at ligal na aksyon laban sa mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyon Marcos Jr, at ang kultura ng kawalang pananagutan o impyunidad.
“Ang ugat ng problema ay ang kultura ng kawalang pananagutan. Habang nananatiling hindi napaparusahan ang mga salarin, lalo pang lumalakas ang loob ng mga nais patahimikin ang midya,” ayon kay Perol-Jaymalin.
Noong 2018, pinaslang ang brodkaster sa radyo na si Joey Llana sa Daraga at si Noel Samar sa Guinobatan noong 2025. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nakakasuhan sa parehong krimen.
“Ngayon, may isa na namang biktima. Ito ang mukha ng kawalang pananagutan sa Albay,” dagdag ni Perol-Jaymalin.
Si Loterte ang ika-12 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
The post Pagpatay sa isang mamamahayag sa Albay, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

