Kolektibong kumilos ang mga kabataan at residente ng Sityo Sangilo, Barangay Macabaklay, Gapan City, Nueva Ecija noong Oktubre 9-10 para palahin ang lagpas-taong lupang itinambak ng Meralco para sa MTerra Solar Project. Itinambak ang lupa noong Setyembre 29 at Oktubre 2 na humarang sa akses sa daanan ng 20 pamilya sa sityo.
Sa unang pagtatambak, umabot sa 3 metro ang taas ng lupang inilagay na humarang sa kabuuang lapad ng kalsada na nasa 20 talampakan. Sa ikalawang beses, nagtambak ang Meralco ng lupa sa iba pang bahagi ng kalsada.
Ayon sa Bayanihan Magsasaka ng Sangilo Association Inc. (BMSAI), apektado nito ang paglabas-pasok ng mga estudyante at pagpunta sa sakahan ng mga magsasaka. Bunga nito, nangabulok na ang kanilang tanim na gulay. Anila, taktika ito ng panggigipit ng MTerra para tuluyan silang lumayas sa komunidad.
Ang dambuhalang proyektong solar ay sasaklaw sa 3,500 ektaryang lupain sa prubinsya ng Nueva Ecija at Bulacan. Hindi bababa sa 22,00 residente mula sa mga komunidad ng Barangay Callos sa Peñaranda, Pias sa General Tinio, at Macabaklay, Puting Tubig, at Kapalangan sa bayan ng Gapan City ang direkta at hindi direktang naaapektuhan ng proyekto.
Ang 40% ng solar farm ay pagmamay-ari ng General Atlantic, isang kumpanyang Amerikano. Samantala, ang natitirang 60% ay pagmamay-ari ng SP New Energy Corporation katuwang ang kumpanya sa renewable energy ng Meralco na MGen Renewable Energy, Inc. (MGreen).
Sa kanilang pagpapala at paghuhukay, ibinahagi ng mga residente na aabutin sila ng ilang araw bago tuluyang matanggal ang harang. Kaugnay nito, hinamon nila ang gubernador ng Nueva Ecija na si Gov. Aurelio Matias Umali na magpadala ng buldoser na maaaring gamitin sa paghuhukay.
Napahayag ng pakikiisa ang Anakbayan-Central Luzon State University sa kolektibong pagkilos ng mga magsasaka at residente ng Sityo Sangilo. “Ang uring magsasaka ang demokratikong mayorya sa Pilipinas, kaya dapat lamang na ang pinakamabuting interes nila ang masunod—hindi ang interes ng kanser na MTerra o warlord na si Rep. Emeng Pascual!” pahayag ng grupo.
Anito, patuloy na susuporta at makikibaka ang Anakbayan CLSU, kasama ang mga kabataan-estudyante, para sa tuluyang pagpawi ng pyudalismo sa kanayunan sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa. “Ito ang natatanging paraan upang tuluyang mawaksan ang panunupil sa karapatan at pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka, at pagpapanagot sa mga salarin,” pagtatapos nito.
The post Itinambak na lupa ng Meralco para sa MTerra Solar Project, sama-samang pinala ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

