Binatikos kahapon, Oktubre 13, ng kabataan at makabayang mga organisasyon ang desisyon ng prosekusyon ng Kongreso na iurong ang tatlo sa apat na impeachment article laban sa bise presidente na si Sara Duterte. Sa araw na iyon, inaprubahan ng Senate Impeachment Court, sa pamumuno ni Senate President Francis Escudero, ang pormal na mosyon ng House Prosecution Panel kaugnay ng pag-aatras ng mga sakdal. Mayor sa mga ito ang sakdal hinggil sa maling paggamit ng confidential at intelligence funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na unang naisiwalat sa Kongreso.

Ang dalawa pang artikulong iniurong ay ang panunuhol (bribery) sa mga upisyal ng DepEd kaugnay ng procurement rules; at pagbabanta sa buhay (grave threats) laban sa Ferdinand Marcos Jr, kanyang asawang si Lisa at pinsan at dating House Speaker na si Martin Romualdez.

Sa gayon, ang nakasalang na lamang sa impeachment court ay ang sakdal kaugnay ng hindi maipaliwanag na yaman (Article II), hindi tapat na deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at pagmamay-ari ng mga ipinagbabawal na negosyo. Dahilan ng prosekusyon, sapat na diumano ang ebidensya sa kasong ito para mapatunayan ang pagkakasala ng bise presidente at mapatalsik siya sa pwesto. Matapos ang 38 araw na iginugol ng senado sa paglilitis, minamadali ngayon ng prosekusyon na tapusin na ito.

“Ang desisyon ng prosekusyon na iurong ang tatlong impeachment complaints ay malaking palatandaan sa katangian ng mga Marcos, Duterte at lahat ng mga korap na upisyal na nakinabang sa mga confidential fund, pork barrel at ibang kwestyunableng paggamit ng pondong pampubliko,” pahayag ni Joaquin Buenaflor, tagapagsalita ng Kabataan Partylist. “Lumilitaw dito ang tanong kung takot ba silang mapailalim sa pagbubusisi na katulad na dinaranas ng kanilang mga karibal.”

Batid ng kabataan na walang makapagpipigil sa mamamayan na papanagutin rin si Ferdinand Marcos Jr kapag napanagot si Duterte sa maling paggamit ng confidential funds. Sa nakaraang mga taon, at sa 2027, si Marcos ang may pinakamalaking confidential funds sa lahat ng mga upisyal ng gubyerno.

“Pinakikita nito ang reyalidad…kung saan nagiging palaruan sa pulitika ng nagbabangayang paksyon ng naghaharing pangkatin ang impeachement,” ayon kay Buenaflor. “Bilang mga burukrata-kapitalista, kaya nilang gamitin na sandata ang pagpapanagot laban sa kanilang mga karibal habang inililigtas ang kanilang mga sarili sa pagbusisi.”

Impeachment Article II

Binubuo ng tatlong mayor na kaso ng paglabag sa 1987 Konstitusyon ang Impeachment Article II na inihapag ng prosekusyon. Ang mga ito ay ang:

  1. Hindi maipaliwanag na yaman. Umaabot sa ₱817,874,867 ang hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte mula 2022 hanggang 2025 habang nanunungkulan siya bilang bise. Ang mga ito ay nasa anyo ng mga bank account at ari-arian. Ayon sa isang eksperto, maari itong umabot ng ₱1.5 bilyon.
  2. Pagsisinungaling sa SALN. Batay sa imbestigasyon ng prosekusyon, lumabas na humigit-kumulang 20% lamang ng kanyang mga tunay na real estate property ang pormal na idineklara sa kanyang SALN. Kabilang sa hindi idineklara ni Duterte ang ₱50-₱60 milyon na mansyon at pagkakasangkot niya sa 121 ari-arian na inuugnay sa kanyang pamilya sa Davao City at Davao del Norte.
  3. Pagkakaroon ng mga negosyo labag sa kanyang katayuan bilang upisyal ng gubyerno; at pagtanggap ng mga negosyong ito ng mga pampublikong kontrata na iginawad ng lokal na gubyerno ng Davao City kung saan meyor ang kanyang kapatid na si Sebastian Duterte.

The post Pag-urong sa 3 sa 4 na articles of impeachment laban kay VP Duterte, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.