Ang paglapit at pag-hostage ng 93rd Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Frank Sayson sa 7-taong gulang na anak ng Pulang mandirigma na si Erwin Maceda (Ka Romnik) sa Kananga, Leyte ay isa lamang sa mga karumal-dumal na paglabag nito sa international humanitarian law (IHL). Ang maliitin ito bilang simpleng “pagkakawang-gawa” ay insulto hindi lamang sa nasabing bata, kundi maging sa lahat ng iba pang kabataan at menor de edad na Pilipino na sistematikong tinatarget ng panghaharas at pang-aabuso ng pasistang militar sa ngalan ng “kontra-insurhensya.”

Pagbibigay-matuwid ni Lt. Col. Sayson, ang pamilya umano ng bata, sa pamamagitan ng lolang nag-aalaga sa kanya, ang lumapit sa 93rd IB para humiling ng birthday party ng bata. Sinong sibilyang pamilya ang lalapit sa isang institusyong militar para humiling ng birthday party? Paano naman nito mapapawi ang pagluluksa ng bata sa pagkamatay ng kanyang ama? Nais bang palabasin ng 93rd IB na hindi kaya ng nag-aalaga sa bata na bigyan ito ng simpleng selebrasyon para sa kanyang kaarawan, sapat para ihiling ito sa mga pumaslang sa kanyang ama at nananawagan ng pagsuko ng kanyang ina? Nagpapalusot na lamang si Sayson matapos malantad sa publiko ang paggamit nila sa bata para sa saywar. Kinasangkapan pa niya ang lokal na gubyerno ng Kananga para sa “fact-finding” sa ngalan ng kanilang bulok at buhong na naratibo.

Ang pagbabalandra ng 93rd IB sa mukha at pangalan ng bata sa internet, na hindi pa nga lubusang tinanggal bagkus “in-archive” lamang, ay isa lang sa mga paglapastangan sa pamilya ni Ka Romnik. Direkta nilang pinuntahan ang bata sa kanyang tahanan, lugar na ligtas sanang espasyo para sa kanya bilang bata at sibilyan, para epektibong gawing hostage at pasukuin ang ina na nananatili sa aktibong serbisyo sa NPA. Malinaw nitong ipinalalabas na target ang mga sibilyan sa kontra-insurhensya, taliwas sa isinasaad ng Geneva Conventions na tinitiyak ang absolutong karapatan ng mga sibilyan laluna ng kabataan sa ispesyal na pagrespeto at proteksyon.

Liban pa, niyurakan nila ang alaala ng kanyang yumaong ama gayundin ang magiting na pagpupunyagi ng kanyang ina sa landas ng armadong pakikibaka. Huwad ang mga pagpapanggap nila ng “makataong pagtrato” sa mga rebolusyonaryo—noong Setyembre lamang ibinalandra ng 8th CMO ang litrato ng mga bangkay ng martir na Pulang mandirigma sa isang porum na saywar sa Leyte Normal University.

Sistematiko at sadya ang pagtarget ng militar sa mga bata. Sa nakaraang mga buwan hinaras ng 93rd IB ang guro ng 3-taong gulang na anak ni Brenda Lagado habang hinampas naman ng kahoy at kwinelyuhan ang 16-taong gulang niyang pinsan. Noong Nobyembre 2024 hinukay ng mga tropa ng 20th IB ang bangkay ng isang 1-linggong gulang na sanggol sa Barangay Sulitan, Catubig, Northern Samar sa kasagsagan ng operasyong kombat.

Huwag rin nating kalimutan ang pagpaslang ng 63rd IB kay Jason Padullo sa Borongan City; pag-istraping ng 20th IB sa dalawang kabataang magkokopras sa Catubig; paghostage ng 74th IB sa mga menor de edad ng pamilya Arnesto sa Palapag; pagpapasuko ng 43rd IB sa mga menor de edad ng pamilya Yanay sa Las Navas; pagdukot at paggamit bilang hostage ng 8th Infantry Division sa mga bagong inang Pulang mandirigma sa Catbalogan; at napakaraming ibang kaso. Hindi pa kabilang dito ang pag-aalok ng mga tropa sa baryo ng kendi at laruan sa mga bata para pigaan ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng NPA.

Sa pinakamadaling panahon ay dapat layuan na ng 93rd IB ang anak at mga kaanak ni Ka Romnik. Nananawagan kami sa ibang mga tagapagtaguyod ng karaptang pantao na makiisa sa panawagang papanagutin ang mga responsable sa paglabag sa kanilang mga karapatan. Sinusuportahan namin ang inisyatiba ng NDFP Special Office for the Protection of Children na magsampa ng mga reklamo sa mga independyenteng upisina kaugnay ng kasong ito. Hindi dapat palampasin ang kanilang pang-aabuso.

Ang pahayag mismo ni Lt. Col. Sayson na “ang landas tungo sa kapayapaan ay pagsuko” ay dagdag na patunay na dito lang talaga interesado ang militar at pasistang estado. Wala silang pakialam sa pagtugon sa kahirapan, kawalang hustisya at kawalang demokrasya na siyang ugat ng armadong tunggalian at dahilan ng pag-aarmas ng mga katulad nina Ka Romnik. Hangga’t nananatili ang kalagayang ito, patuloy na magpupunyagi ang NPA sa Leyte at sa Eastern Visayas sa pagbagtas sa landas ng armadong pakikibaka hanggang sa magapi ang pasistang militar na nagtataguyod sa naghaharing bulok na sistema.

The post Desperado na ang 93rd IB na pagtakpan ang mga paglabag sa IHL appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.