Normalisasyon ng gera ang pakanang Simulation Exercise (SIMEX) “Aksyon Lucena” 01-2026 mula sa baybayin ng Brgy. Talao-talao hanggang Brgy. Mayao Parada, Lucena City, Quezon nitong Biyernes, Oktubre 9. Hindi ito kapanatagan, kundi pangamba ang hatid sa mga mamamayan ng Quezon at buong rehiyon.
Isinagawa ang “kontra-terorismo” na ehersisyo sa pangunguna ng 15th Special Forces Battalion at lokal ng gubyerno, katuwang ang Philippine National Police-Lucena, Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines, Maritime Police, Philippine Coast Guard, LCDRRMO, CSWDO, City Health Office at Traffic Management Office ng syudad. Karugtong ito ng nauna nang isinagawang Inter-Agency Territorial Defense Operations Exercise na inilunsad sa Batangas at Quezon noong Setyembre 15-17 sa ngalan ng “pagsasanay at pagiging handa” sa panahon ng sakuna at kagipitan.
Sa scripted na mga ehersisyo, nagsanib ang militar, pulisya, maritime at iba pang pwersa ng estado para i-pindown ang diumano’y mga teroristang lumusob kung saan nagkaroon ng aktwal na palitan ng putok ng baril at pagpapasabog ng bomba. Bilang “happy ending,” pakitang-taong idinemo ang pagbibigay lunas at atensyong medikal sa mga sugatang “terorista” sa SIMEX. Gamit ang “whole-of-nation-approach”, pinagmumukhang pangsibilyan at hindi tulak ng militar ang nasabing aktibidad.
Kakatwa ang palabas na ito ng mga berdugo na desperadong pagmukhaing marangal ang kanilang mga operasyong “kontra-terorismo” dahil alam ng bayan na ang buong armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno ang numero unong naghahasik ng teror sa bansa. Mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2026, naitala ang 70,028 biktima ng walang patumanggang pamamaril at 59,284 biktima ng pambobomba sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Sa Timog Katagalugan, nasa 56,567 ang bilang ng mga biktima mula sa pinagsamang mga kaso ng walang patumanggang pamamaril at pambobomba. Patunay itong sila ang numero unong banta sa seguridad, buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino sa nayon man o lungsod.
Hindi napapanatag ang mamamayan ng Quezon at TK sa mga ehersisyong militar na nagkakailan nang inilunsad sa lalawigan kabilang ang Balikatan 41-2026 nitong Abril na dinaluhan ng 17,000 tropang militar na nagsagawa ng “serbisyo” sa San Narciso. Pagtutuloy ito ng pagkakamadang US sa mga baybayin ng Quezon bilang bahagi ng pagtatag ng base sa Pilipinas para sa gerang agresyon sa Asia Pacific.
Hindi dapat magpalinlang sa paimbabaw na mga retorika ng maka-imperyalistang US, anti-mamamayan at anti-rebolusyonaryong operasyon at ehersisyong isinasagawa ng estado sa tabing ng mga islogang pangsibilyan tulad ng “pagtitiyak ng kahandaan at seguridad.” Ang mga katulad na aktibidad ang sanayan ng mga berdugong pwersa sa walang pusong pagtutok ng kanilang baril at pagpatak ng mga bomba kahit sa mga sibilyang komunidad. Huwag nang banggitin pa ang kanilang paglulubid ng buhangin para linisin ang kanilang kamay sa pananagutan at ipinta ang CPP-NPA-NDFP bilang tagasalo ng kanilang madugong krimen laban sa mamamayan.
Nanunumpa ang Melito Glor Command-NPA ST sa mamamayang buong puso nitong pinaglilingkuran na hindi mananahimik ang mga baril ng Pulang mandirigma para sa pagtatanggol ng inang bayan. Gaano man katuso at kawalanghiya ang reaksyunaryong pwersa, sila ay tigreng papel sa harap ng pinagkaisang lakas ng Hukbo at masang api.
The post SIMEX “Aksyon Lucena” 01-2026 at mga katulad na ehersisyong militar ang tunay na banta sa seguridad ng mamamayan ng Quezon at TK appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

