Itinakwil ng mga drayber at opereytor ng dyip ang panibagong pakana para sa jeepney phaseout na itinutulak ng World Bank. Anila, nagsasabwatan ang mga imperyalistang institusyon at ang tutang rehimeng Marcos para muling itulak ang palpak, kontra-mamamayan, at maka-dayuhang “modernisasyon ng transportasyon.”
Tinawag ang bagong pakana na “systematic scrappage.” Sa ilalim nito, kakatayin ang mga tradisyunal na dyip ng mga opereytor at kapalit ng kanilang mga yunit ay maari silang mangupahan ng sasakyan mula sa malalaking kumpanya.
“Para matiyak na papasok sa ‘leasing model’ o sistemang upahan ang mga opereytor, bahagi ng World Bank jeepney phaseout ang ‘systematic scrappage’ ng mga jeep na pampasada,” paliwanag ng Piston. “Gamit ang buwis ng taumbayan at mga utang ng gubyerno sa World Bank, magtatayo ng scrapping facility kung saan sisirain o ikakahoy ang pinakamamahal nating mga dyip.”
“Ayaw pondohan ng gubyernong Marcos ang rehabilitasyon ng dyip, pero popondohan at iuutang pa ang pasilidad para sa sapilitang scrapping,” ayon sa Piston.
Ang nakaiinsultong alok ng World Bank: sa bawat tatlong dyip na ipapa-scrap o ipakakatay ng opereytor, may isang taong libreng upa sa isang “modernong” PUV. Tinawag ito ng Piston na “malaking kalokohan, panloloko, at garapal na pananamantala.”
Ginagawa ito upang matiyak ang pagtatambak ng mga kapitalistang bansa ng kanilang mga basurang sasakyan, ayon sa grupo. “Hindi totoong ‘modern’ (ang mga PUV) kundi lumang oversupply o surplus ng malalaking dayuhang automotive manufacturer,” anito.
Tulad ng mga naunang pakana ng jeepney phaseout, tutol ang mga drayber sa panibagong iskemang ito ng World Bank, isang institusyon ng US na matagal nang nakakubabaw at nagsasamantala sa lokal na ekonomya at kabuhayan ng mga Pilipino. Patunay ang “next phase” na ito na palpak ang naunang mga pakana ng pagbabawal sa pamamasada ng mga tradisyunal na dyip at pamimilit sa mga drayber at opereytor na bumili ng napakamamahal na mga elektronikong bus.
“Lalabanan natin ang pandarambong ng US at ni Donald Trump, at ang pagwasak nila sa ating kabuhayan, pampublikong transportasyon, at kultura. Sisingilin at pananagutin natin ang gubyernong Marcos na papet na nagpapatupad ng ganitong bulok na iskema,” pahayag ng Piston.
The post Mga drayber, itinakwil ang pakanang “jeepney scrappage” na itinutulak ng World Bank appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

