Naglunsad ng isang lakad para sa kalikasan ang mga residente ng Marikina City sa pangunguna ng Marikina Kontra Agos (MKA) noong Oktubre 11. Ipinatitigil nila ang planong pagpuputol ng mga puno para sa itatayong tulay sa syudad na popondohan ng Asian Development Bank (ADB).

Kasabay ng kanilang martsa, itinali sa mga puno sa Provident Village sa Marikina ang tinawag nilang “tree-huggers” o mga telang may panawagan ng pagprotekta sa mga puno at pagtutol na putulin ang mga ito. Ayon kay Elisha Zantua, isa sa mga lider ng MKA, ang malikhaing protesta ay pagpapakita ng kanilang pagtutol.

Ang proyektong 1.6-kilometrong tulay ay magdudugtong sa Marcos Marcos Highway at St. Mary Avenue sa loob ng Provident Village. Mayroon itong pondo na ₱1.69 bilyon mula sa pautang ng ADB at pangangasiwa ng Department of Public Works and Highways. Nakopo ng Chinese na kontraktor na Hunan Road and Bridge Co. ang kontrata para sa pagtatayo ng tulay.

Sa isang ulat ng ADB noong 2025, hindi bababa sa 514 mga puno at halaman ang sisirain ng proyekto. Ang pagpuputol ng mga puno ay pinangangambahan ng mga residente na makapagpapalubha ng pagbaha sa Marikina City tuwing umuulan.

“Tumitindig kami para sa mga punong hindi makapagsalita laban sa nakaambang pagtatayo ng tulay sa Provident Village at iba pang mga erya sa Marikina,” pahayag ni Zantua. Dagdag niya, higit na nagiging mahalaga ang pangangalaga sa mga yaman ng kalikasan na ito sa gitna ng krisis sa klima at banta ng Super El Niño.

Nanawagan ang grupo sa DPWH at ADB na itigil ang pagtatayo ng tulay sa ngalan ng pangangalaga sa kalikasan. Anito, hindi rin matutugunan at sa halip ay lalo pang palulubhain ng itatayong tulay ang mabagal na usad ng trapik sa Marikina City.

Inihayag ng MKA na nagpaplano ang kanilang grupo at ang mga residente ng Marikina City na magprotesta sa hedkwarters ng ADB kung hindi pa rin matutugnan ang kanilang panawagan.

The post Lakad para sa kalikasan, kontra pagpuputol ng mga puno sa Marikina City, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.