Binatikos ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) ang muling pagpapatupad sa limang syudad sa National Capital Region ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) simula Oktubre 5. Ayon sa grupo, atake sa kabuhayan ng mga tsuper at sa pambulikong transportasyon ang patakaran, tulad ng iba pang iskema ng labis-labis na pagmumulta.

Ang NCAP ay isang patakarang itinulak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kinatatangian ng pagpapataw ng multa sa mga lumalabag sa batas trapiko nang walang nagmamanmang pulis at sa pamamagitan lamang ng high-tech na pagmomonitor. Ginagamit ng MMDA ang mga closed-circuit television o CCTV, digital camera at iba pang teknolohiya para padalhan ang mga lumalabag sa batas-trapiko. Ang sinummang mamataan ay padadalhan ng sulat sa kanilang bahay. Gumugulong ito ngayon sa Maynila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, at Muntinlupa.

Unang itinulak ang pagpapatupad sa NCAP noong 2019. Sa reklamo at petisyon ng mga grupo sa transportasyon, napahinto ang pagpapatupad nito nang maglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema laban sa patakaran noong Agosto 2022.

Ayon sa Piston, ang patakaran ay pinalalabas lamang na para sa disiplina sa trapiko at proteksyon sa mga komyuter ngunit sa aktwal ay sabwatan ng mga burukrata-kapitalista at ng mga kontraktor sa teknolohiya.

“Matagal nang pinipiga ng gubyerno at ginagawang gatasan ng makukurakot ang mga drayber ng pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng mga labis-labis na multa at pangongotong,” anito.

Patitindihin lamang ng NCAP ang umiiral nang sistema ng pangongotong at korapsyon sa ilalim ng inilabas na Joint Administrative Order 2014-01 ng gubyerno na nagpataw ng pagkalalaking multa sa maliliit na mga paglabag. Paglalahad ng grupo, sa halip na magresulta sa mas maayos na trapiko ang naturang patakaran, binigyang insentibo lamang nito ang mga ahensya na perahan ang mga drayber ng public utility vehicle o PUV na hindi makaalma sa di patas na pagtitiket.

Ayon sa grupo, mapanlinlang na sinasabi ng MMDA na ang NCAP ang bubura sa pangongotong. “Dahil nakabalangkas bilang negosyo (may babawiin ang kontraktor at may potensyal na malaking kita ang gobyerno), ginawa lamang sentralisado at high-tech ang pangongotong,” pahayag ng Piston.

Lalo lamang umanong pahihirapan ng high-tech na iskema ng pangongotong na ito ang pigang-piga nang mga tsuper dahil sa napakamahal na presyo ng petrolyo. “Sa pagsasabay-sabay ng ganitong pasanin, nawawalan ng kabuhayan ang drayber; at sa pagtigil niya sa pamamasada, nawawasak ang pampublikong transportasyon,” anang grupo.

Nanawagan ang grupo sa mga kapwa tsuper at opereytor na batikusin ang MMDA at gubyerno para ibasura ang patakaran. “Lbanan ang atake sa kabuhayan na NCAP, buong lakas na ilunsad ang mga kampanya at protesta para mapabasura ito at ang lahat ng labis-labis na multa!” anito.

The post Implementasyon ng NCAP sa NCR, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.