Sa nagdaang linggo, dalawang magkasunod na gabing pinuntahan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang bahay sa Taguig City ng pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide-National Capital Region (Piston-NCR) na si Ka Ely. Sa tabing ng paghahanap ng mga suspek sa isang kaso ng carnapping, nililigalig at tinatakot siya at kanyang pamilya ng mga pulis para tumigil sa kanyang gawain sa pag-oorganisa.

Kinunenda ng Piston ang pamamasista at panghaharas ng rehimeng Marcos gamit ang mersenaryong PNP. Anang grupo, malinaw na tinatarget ang kanilang mga lider kasunod ng inilunsad nitong dalawang araw na welgang transportasyon noong huling linggo ng Setyembre.

Nagsimula ang panliligalig kay Ka Ely noong Oktubre 8 kung saan tatlong di unipormadong pulis na nagpapakilalang taga-Quezon City ang pumunta sa kanyang bahay. Ipinakita ng mga ito ang isang larawan ng dyip na sinabing sinakyan ng isang carnapper. Tinanong ng mga pulis kung si Ka Ely ang nagmamaneho sa dyip at kung saan bumaba ang pinalalabas na carnapper.

Noong Oktubre 9, bumalik ang mga di unipormadong pulis sa bahay at hinihingi ang pangalan at kontak ng mga tsuper ni Ka Ely, na pawang myembro ng Piston-East. Maliban sa mga pulis, limang hinihinalang upisyal sa intelidyens ang tumambay sa labas ng bahay.

Naaalarma ang pamilya ni Ka Ely sa magkasunod na insidente laluna at alam ng mga pulis ang buong pangalan ng lider-tsuper at kanyang tinutuluyan. Malinaw umano ang padron ng panggigipit laluna at hindi naman bumabyahe sa Quezon City ang pinapasadang dyip ni Ka Ely dahil may ruta itong Pasig-Taguig.

Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (Philippines), hindi ito ang unang pagkakataong hinanap ng mga pwersa ng estado si Ka Ely. Naisadokumento ng grupo ang naunang mga insidente ng pagmamanman laban sa kanya.

“Wala na ngang aksyon ang gobyernong Marcos para mapababa ang presyo ng krudo, itinutulak pa ang masaker sa kabuhayan ng tsuper na phaseout, iha-harass pa ang mga tsuper kapag lumaban,” pahayag ng Piston. Anito, hindi magpapadaig at magpapasindak ang mga tsuper at opereytor sa mga pasistang taktika ng PNP at rehimeng Marcos.

The post Lider-tsuper sa NCR, nililigalig at tinatakot ng mga pulis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.