Ipinatupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) ang hatol na parusang kamatayan ng lokal na hukumang bayan laban sa aset sa intelidyens ng pulis at militar na si Dioleto Arnado sa Sityo Capaklan, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental noong Oktubre 5. Si Arnado ay magdadalawang dekada nang aset ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ayon sa imbestigasyon ng hukumang bayan.
Mula pa 2010 kinasangkapan ng pulis at militar si Arnado para manggalugad sa mga gubat at tubuhan sa kanyang barangay. Inatasan siyang tuntunin ang lokasyon ng BHB at magmanman sa pagkilos ng mga yunit nito at mag-ulat sa CIDG at AFP.
Sa sumunod na mga taon, nasangkot siya sa pagpapareyd sa mga kampo ng BHB. Noong 2022, ipinahamak niya ang isang Pulang mandirigma na nakabase malapit sa kanyang kinaroroonan. Dahil dito, kinumpronta siya ng mga kasama at binigyang-babala sa kanyang mga kontra-rebolusyonaryong gawain. Binigyan siya ng tsansa ng BHB na talikuran ang kanyang pagseserbisyo sa pulis at militar at magbagong-buhay.
May ilang panahon na tumigil si Arnado sa paniniktik ngunit siya mismo ay nagrekrut ng mga pumalit sa kanyang trabaho. Ilang buwan makalipas, siya rin mismo ay bumalik sa ganyang gawain at naging mas masugid pang kontra-rebolusyonaryo. Sa nagdaang mga buwan, nakita siyang kasama at naggigiya sa mga sundalo sa kanilang operasyong kombat sa Barangay Santol.
Matapos ang masusing imbestigasyon at paglilitis ng hukumang bayan, hinatulan siyang nagkasala sa mamamayang Negrosanon. “Ito ang patutunguhan ng mga pusakal na aset sa erya dahil sa kanilang nakapamiminsalang gawaing nakaaapekto sa kabuhayan ng malawak na mamamayan,” pahayag ni Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros.
Nanawagan si Magbuelas sa masang Negrosanon na huwag sundan ang tinahak na kontra-rebolusyonaryong landas ni Arnado. Hinimok rin niya ang mga aktibo pang aset ng pulis at militar na sumuko sa rebolusyonaryong poder at patunayan ang kanilang pagbabagong-buhay.
The post Aset sa intelidyens ng CIDG at AFP, pinatawan ng parusang kamatayan ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

