Nakaranas ng pagbabanta, panggigipit at paniniktik sina Marky Casaquite mula sa alternatibong midyang Southern Tagalog Exposure (STeX) at Brent Sumague ng UPLB Perspective at League of Filipino Students-Southern Tagalog habang nakikipagkonsultasyon sa mga katutubong Molbog sa sa Barangay Catagupan, Balabac, Palawan. Nais nilang idokumento ang epekto ng itinatayong EDCA Site sa kanilang lupaing ninuno. Naroon din sila sa lugar para siyasatin ang epekto ng Super El Nino sa kabuhayan ng mga katutubo.
Noong Oktubre 8, alas-11:40 ng umaga, hindi bababa sa 15 elemento ng AFP at PNP na halong unipormado at nakasibilyan ang dumating sa pinagdausan ng konsultasyon at pinatitigil ang nangyayaring aktibidad.
Ayon kila Casaquite at Sumague, ipinakita ng mga sundalo at pulis ang larawan nilang dawala at dinala sila sa barangay hall ng Catagupan upang interogahin.
Ipinakita ng isang nagngangalang Xyron Aliño sa kanila ang mga bidyo ni Sumague at binanggit na “pag nakita ko kayong bumalik dito, ibabaon ko na kayo dito nang buhay.” Tinatakot pa ni Aliño ang dalawa na kahit saan sila diumano magpunta, alam na ng mga kasamahan nilang militar ang gagawin sa kanilang mga buhay.
Binantaan din si Sumague ng dalawang elemento ng AFP na “hahanap at hahanap kami ng butas sa inyo” at “uubusin namin kayo”.
Matinding pananakot din ang naranasan ng mga katutubong Molbog matapos ang insidente. Sinabihan sila ng pulisya at militar na bawal silang magtipon nang walang koordinasyon sa lokal na konseho ng barangay at sa kapulisan. Malinaw na labag ito sa kanilang karapatan sa malayang pagtitipon.
Ayon sa mga katutubo, hangarin lamang nilang maidulog sa midya ang kanilang nararanasang hirap dulot ng pagtatayo ng EDCA site kasabay ng matinding epekto ng Super El Niño. Nais nilang malaman ng mamamayan labas ng isla dahil di pinakikinggan ang kanilang mga hinaing sa kabila ng maraming beses ng pagdulog sa lokal na gubyerno ng Balabac at Palawan.
Ayon sa Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK), malinaw na isang porma ng paglabag sa karapatang-tao ang ginawa ng AFP Western Command at PNP Balabac upang pigilan ang anumang hakbang upang makapagrehistro ng pagtutol ang mga katutubo na inaagawan ng lupa at nakakaranas ng matinding dislokasyon sa kanilang kabuhayan. Ang ginawang pananakot kina Casaquite at Sumague ay huli lamang sa mahabang listahan ng pasistang mga hakbang ng AFP upang pigilan at hadlangan ang karapatan ng mga katutubo at kanilang mga tagasuporta.
Bahagi ang pagbisita nina Casaquite at Samague sa Balabac ng serye ng pakikipanayam ng Southern Tagalog Exposure para sa binubuong dokyumentaryo hinggil sa epekto ng Super El Niño sa mga katutubo, mangingisda, at magsasaka sa mga komunidad ng Timog Katagalugan.
The post Konsultasyon sa mga magsasaka ng Palawan, pinatitigil ng AFP at PNP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

