Nasa utak at puso pa rin ng maraming estudyante sa UP Diliman ang pagsisilbi sa bayan.
![]()
Sunod-sunod ang mga pagsusulit sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ngayon. Kalagitnaan na kasi ng semestre. Mabenta na naman ang mga bluebook na kadalasang ginagamit para sa eksaminasyon.
Bukod sa pagrerebyu, abala rin ang maraming estudyante sa pag-asikaso sa anumang backlog. May humihingi ng dagdag na palugit para sa papel na hindi pa nasusumite. May nakikiusap kung posible ba ang dagdag na gawain dahil sa mababang gradong nakuha sa ilang aktibidad. Siyempre’y may nagtatanong kung ilang beses na ba siyang lumiban sa klase (kahit alam na niya ang sagot).
Sa mahigit dalawang dekadang pagtuturo, mas mabilis nang nahihinuha ang mga nagsasabi ng totoo at ang mga nagpapalusot. Pero siyempre’y bawal maging mapanghusga.
Patuloy pa rin ang pagbibigay ng patas na desisyon batay sa personal na kalagayan ng estudyante. Sa panahon ngayon, hindi na uubra ang mga absolutong polisiyang may mabigat na parusa.
Kahit ang pagiging late sa klase lalo na sa umaga, minsa’y hinahayaan na lang. Apektado ng anarkiya sa lansangan ang mga estudyanteng gumagamit ng pampublikong transportasyon. At kung may sariling sasakyan, naiipit pa rin sa matinding trapik lalo na kung rush hour.
Totoong mas mabilis kung sasakay sa motorsiklo dahil nakakayang lumusot sa maliliit na espasyo ng kalye. Pero hindi katanggap-tanggap ang ganitong buwis-buhay na pagbiyahe dahil lang sa pabayang gobyerno.
Pabaya. Inutil. Kurakot. Ano-ano pang salita ang umaakma sa maraming tinaguriang “honorable” dahil idineklarang nanalo sa eleksiyon? Ilang beses na ba nilang ipinagyabang ang mataas na badyet para sa sektor ng edukasyon?
Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin maramdaman ng mga estudyante sa pampublikong paaralan ang komportableng pag-aaral sa loob ng klasrum? Bakit kailangang magbayad ng napakamahal na matrikula sa mga pribadong paaralan para magkaroon ng de-kalidad na edukasyon ang kabataan?
Kumpara sa maraming pampublikong unibersidad, medyo kakaiba ang kaso ng UP Diliman dahil napapanatili pa rin ang kalidad ng edukasyon sa kabila ng hindi sapat na suporta ng gobyerno. Bakit kaya?
Maraming nagsasabing dahil ito sa mga dalubhasang propesor na piniling manatili sa kabila ng tukso ng mas mataas ang suweldo sa ibang bansa. Pero hindi rin maikakailang may kinalaman din ang mga estudyanteng nagtitiyagang mag-aral sa kabila ng napakaraming balakid sa pagkatuto. Tandaang may magaling na propesor dahil may magagaling na estudyante.
Nasa utak at puso pa rin ng maraming estudyante sa UP Diliman ang pagsisilbi sa bayan. Kahit ang mga estudyanteng walang masyadong pakialam sa kalagayan ng bansa, alam nila ang resulta ng mababang badyet sa edukasyon batay sa kalagayan ng mismong kampus.
Nadudulas o natatapilok sila sa kalyeng kailangang ayusin. Natutuluan sila sa loob ng gusaling may butas pala ang kisame. Nagugulat din sila sa malaking dagang bigla na lang dumaan dahil hinahabol ng pusa. Mahaba ang listahan ng mga sitwasyong nagbibigay ng reality check sa lahat!
Para sa kanilang pagsusulit ngayon, mainam na pagnilayan ang kalagayan ng kabataan at ang nararapat na kinabukasan ng bayan. Kahit na priyoridad ang makapasa sa mga kurso ngayong semestre, kailangan pa ring gamitin ang pinanday na talino para makatulong sa kapwa.
May gradong naghihintay para sa mga makakapasa. May magandang kinabukasang naghihintay para sa mga patuloy na makikibaka.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sahttps://risingsun.dannyarao.com/
The post Pagsusulit appeared first on Bulatlat.
From Bulatlat via This RSS Feed.


