Nireyd at dinis-armahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang isang drug pusher sa Barangay Paitan, Escalante City, Negros Occidental noong Setyembre 29. Nakumpiska ng BHB kay Reymart Marquiz ang isang baby M16 na may isang magasin at 21 pirasong bala, .45 na pistola na may dalawang magasin at 52 pirasong bala, at isang ingram na may dalawang magasin at 45 pirasong bala.

Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, dinis-armahan si Marquiz dahil ginagamit niya ang mga armas para mapadali ang kanyang iligal na negosyo. Ilang ulit na ring inireklamo ng mga residente sa lugar ang pagbebenta at ang talamak na paggamit ng iligal na droga sa lugar.

Batid ng mga residente na ang paggamit ng droga ay isa rin sa mga nakapagpapataas ng kriminalidad sa kanilang mga komunidad. Anila, mas lumalaganap ang pagnanakaw, panggagahasa, pambubugbog sa asawa, pang-hoholdap at iba pang mga anti-sosyal na mga aktibidad.

“Malinaw ang tindig ng BHB laban sa droga kung kaya’y kagyat natin na ginagawan ng hakbang ang mga reklamo ng masa ukol rito,” ayon kay Estrella. Mahigpit siyang binalaan ng BHB na tumigil na sa pagbebenta ng iligal na droga at mamuhay nang disente at walang inaapakan na karapatan.

Ang pagpapatupad ng BHB sa patakaran kontra droga sa mga inaabot at nasasaklaw ng rebolusyonaryong kilusan ay alinsunod sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nakasaad sa III. Ang Ating Partikular na Programa, Sa larangang militar, Ika-pitong punto: “Disarmahan at lansagin ang mga gwardyang militar at pulis gayundin ang mga pribadong pangkat ng mga sindikatong kriminal at kontra-rebolusyonaryo at pawiin ang bentahan ng droga, pangangalabaw, pamimirata, panunulisan at iba pang mga anyo ng kriminalidad na nananalasa sa mamamayan.”

Samantala, muling nagpapasalamat ang BHB-Northern Negros sa masang tumulong at sumuporta sa operasyong dis-arma nito. Ayon kay Estrella, ang masa ang dahilan kung bakit ang Partido at ang Hukbo ay hindi matalo-talo mula noon hanggang ngayon.

The post 3 armas, nakumpiska ng BHB-Northern Negros sa isang drug pusher appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.