Mariing kinundena ng SAKA (Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo) ang demolisyon at sapilitang pagpapalayas sa mga residente ng Barangay Guinobatan, Calapan City, Oriental Mindoro noong Oktubre 6. Mahigit kalahati ng mga apektadong pamilya ang naitalang wala pang siguradong relokasyon.

“Nakikiisa kami sa mga apektadong pamilya na nakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang mga tahanan, kabuhayan, at komunidad. Ang lupa ay dapat na maglingkod sa mga tao, hindi maging sandata upang akgatin sila. Hindi dapat pagwalang-bahalaan ang boses at karapatan ng mga residente sa harap ng demolisyon,” pahayag ng grupo.

Nasa 366 na pamilya ang nawalan ng matutuluyan matapos sinimulan ang paggiba sa kanilang mga bahay at iba pang istrukturang nakatayo sa 158 ektaryang lupaing agrikultural na inaangkin ng Menakor Corporation.

Noong 1998, 64 magsasaka ang pinagkalooban ng Certificates of Land Ownership Award sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Gayunman, kinwestiyon ito ng orihinal na may-ari na nagsabing industrial land ang lugar at hindi saklaw ng repormang agraryo. Noong 2013, pumanig ang Korte Suprema sa claim ng mga orihinal na may-ari kayat noong 2017, iniutos ang pagkansela sa mga CLOA at pagbabalik ng lupa. Ngunit noong 2021, nagpasya ang Department of Agrarian Reform na hindi maaaring sapilitang paalisin ang mga magsasaka bilang bona fide occupants at dapat silang mabigyan ng kaukulang disturbance compensation.

“Para kaming ipis na winalis,” ani Maria Dulce Alcade, residente ng Barangay Guinobatan, matapos ma-demolish ang kanilang tahanan habang hinihintay ang relokasyong ipinangako umano sa kanilang pamilya.

Napangakuan si Alcade ng “libreng bahay at lupa” bago ang demolisyon, ngunit hindi pa rin umano handang tirhan ang itinakdang relokasyon dahil wala pa itong suplay ng kuryente at tubig.

Ayon sa mga residente, inaalok ng ₱54,000 at 50 metro kuwadradong lote ang may CLOA bilang kumpensasyon, habang nasa 125 na pamilya na walang malinaw na planong relokasyon ay inaalok ng ₱27,000 ng Menakor Corporation.

Pansamantala silang nanunuluyan sa dalawang covered court na ipinagamit ng kanilang kapitan habang hinihintay ang maayos na relokasyon.

“Mahirap na kami, lalo pa kaming maghihirap sa ngayon,” dagdag ni Alcade, habang umaasang matutupad ang ipinangakong tulong para sa mga pamilyang apektado ng demolisyon.

Nananawagan ang mga residente ng malinaw na impormasyon at kongkretong tugon hinggil sa kanilang relokasyon at kalagayan matapos mawalan ng kanilang tahanan.

Samantala, sa kaugnay na balita, apat na myembro at mamamahayag ng Ang Pamatok, isang media organization, ang hinaras at pisikal na hinatak ng mga pulis noong Oktubre 8, upang harangin ang kanilang pagsasadokumento sa nagaganap na demolisyon.

“Patuloy ang ating panawagan sa mga kapulisan na mahigpit nitong igalang, respetuhin sa pinakamataas na antas ang karapatan ngg mga mamamahayag”, paliwanag ng Ang Pamatok.

The post Mahigit 300 pamilya, biktma ng demolisyon sa Oriental Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.