Nagmartsa ang mga progresibong grupo, sa pangunguna ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), at International League of Peoples’ Struggle (ILPS)-Philippines tungo sa embahada ng US noong Oktubre 7, para gunitan ang ikatlong taon ng Al-Aqsa Flood. Kasabay nito, kinundena nila ang nagpapatuloy na brutal na henosidyo ng US-Israel laban sa Palestine. Kakoro ng milyun-milyong mamamayan ng buong mundo, giit nila ang panawagang “Mula sa ilog hanggang sa dagat, lalaya ang Palestina.”

Kinundena rin ng mga grupo ang mga digmang agresyon ng US sa Iran, Yemen at Venezuela, gayundin ang mga banta at parusa nito laban sa Cuba. Bahagi ang pagkilos ng pandaigdigang “Days of Action” mula Oktubre 1 hanggang 10 na pinasimulan ng People Against Sanction and Siege (PASS).

Ipinahayag ng mga grupo ang matibay nilang pagtindig kasama ang mamamayang Palestino. Anito, inabot ng paglaban ng Palestine ang panibagong antas sa paglulunsad ng Al Aqsa Flood, mula sa deka-dekada nang pakikibaka laban sa okupasyong Zionista at kolonyalismong setler.

“Hindi lamang winakasan ng Al-Aqsa Flood ang anumang pag-asa para sa normalisasyong Arabo-Zionista sa buong Weat Asia, lalo ring pinatatag ng mga sakripisyo ng mamamayang Palestino at ng kanilang paglaban ang paninindigan ng mga bansa at kilusang masa na nakikibaka para sa pambansang soberanya at sosyalismo laban sa imperyalismong US,” ayon sa ILPS-Philippines.

“Niyanig ng Al-Aqsa ang henosidyong suportado ng US at nag-iwan ng malalim na marka sa mga mamamayan sa buong mundo,” ayon naman sa PPFA.

Binatikos nito ang “Board of Peace” na itinatag ng presidente ng US na si Donald Trump para sa rekonstruksyon diumano ng winasak na Gaza. Tinauhan niya ito ng presidente ng World Bank na si Ajay Banga at ng punong ministro ng pasistang Zionistang estado ng Israel na si Benjamin Netanyahu.

“Ang mga kapangyarihan na responsable sa pagkawasak ng Gaza ay nais ngayong makinabang sa muling pagtatayo nito, nagbebenta ng maaliwalas na larawan ng mga paliparan, tore, habang ang mga Palestino ay patuloy na nakikipaglaban para sa kanilang karapatang makauwi sa kanilanng mga tahanan,” ayon sa grupo.

Binatikos ng PPFA ang pakikipagsabwatan ng rehimeng Marcos Jr sa Zionistang Israel, sa anyo ng ugnayang militar at ekonomya. Mula 2022 hanggang 2024, ang Pilipinas ang pangatlong pinakamalaking bansa na bumibili ng mga armas ng Israel.

“(N)akikita namin ang aming sariling mga pakikibaka sa laban ng mamamayang Palestino para sa kalayaan at sariling pagpapasya. Si Marcos Jr ay nananatiling kasabwat sa henosidyo at nagkukunwaring parang normal lamang ang lahat sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga ugnayang militar at pang-ekonomiya sa Israel.

Samantala, nakiisa ang mga estudyante ng Mindanao State University sa mga pagkilos sa araw na iyon.

“Hindi sa Oktubre 7, 2023 ang simula ng pakikibaka ng mga Palestino,” anila. Sa loob ng ilang dekada, nabuhay ang mga Palestino sa ilalim ng okupasyon, pang-aagaw ng kanilang lupa, pagpapalayas, apartheid, at sistemikong karahasan. Ang Nakba ng 1948, ang patuloy na okupasyon, ang pagpapalawak ng mga pamayanan (settlements), ang pagkubkob sa Gaza, at ang paulit-ulit na pagbomba sa mga komunidad ng Palestine ay bahagi ng mas mahabang kasaysayan ng kawalan ng katarungan. “Kung gayon, ang nangyari noong Oktubre 7, 2023 ay dapat maunawaan sa loob ng kasaysayang ito.”

“Para sa amin sa Bangsamoro, hindi malayong pakikibaka ang paglaban ng mga Palestino,” ayon sa MSU4Palestine. “Nakikita namin sa kanilang laban para sa kalayaan at sariling pagpapasya ang mga bakas ng aming sariling kasaysayan.”

The post Ika-3 taon ng Al Aqsa Flood, ginunita sa Pilipinas; pagtigil ng henosidyo, ipinanawagan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.