Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Japan ang panibagong insidente ng karahasan laban sa kababaihan ng mga sundalong Amerikano sa Okinawa, Japan. Noong Oktubre 4, pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ng kinilalang si US Marine Lance Corporal Devin Jacob Ballard ang babaeng Japanese na si Anna Yagi.
“Bilang mga Pilipino, nakagagalit ang krimeng ito na nangyayari dahil sa hindi katanggap-tanggap at nakakabahalang presensya ng mga sundalong Amerikano sa ating lupain. Ilang kababaihan at bata ang dapat maging biktima ng mga hayok-sa dugo na mga sundalong Amerikano?” pahayag ng Bayan-Japan.
Sa loob ng sampung taon, mula 2014 hanggang 2024, umabot sa 310 ang mga kriminal na kaso na may kinalaman ang mga sundalong Amerikano ang hindi dininig sa korte ng Japan. Kabilang sa mga kasong ito ang sexual assault, drug trafficking, pagnanakaw at iba pa.
Ang ugnayan ng Japan at US sa ilalim ng Status of Forces Agreement (SOFA) ay nagpapahintulot sa dominasyon at okupasyong militar ng imperyalistang US. Makikita ito sa daan-daang mga base militar ng US sa buong bansa na nagsisilbing lunsaran ng mga tropa at munisyon sa kalakhan ng Asia-Pacific. Sa kasalukuyan, nasa 25 ang base militar ng US sa isla pa lamang ng Okinawa.
Sa loob ng maraming taon, tinitiyak ng US ang patuloy na tensyon sa rehiyon sa pamamagitan ng pag-uudyok sa mga teritoryal na alitan na nagbibigay-daan sa balangkas nito ng kooperasyong pang depensa sa mga bansa tulad ng Japan, Korea, at Pilipinas. Ang mga tagibang na kasunduang ito ay nagsisiguro ng buong operasyonal na kontrol sa paggalaw ng mga tropa at pasilidad, habang ang gastos sa lohistika at meyntenans ay pinopondohan ng mga buwis ng mamamayan.
Nagpahayag ng pakikiisa ang Bayan-Japan sa mamamayan ng Okinawa sa kanilang pakikibaka para sa katarungan, pagpapasya sa sarili, at kalayaan mula sa tanikala ng imperyalistang US at ng mga alipin nito na kinakatawan ng sentral na pamahalaan sa Tokyo.
The post Pagpatay ng sundalong Amerikano sa isang babaeng Japanese, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

