Nagsimula ng petisyon noong Oktubre 1 ang mga magsasaka at manggagawang-bukid sa mga palayan sa Guimba, Nueva Ecija para igiit sa lokal na gubyerno ang pagbibigay sa kanila ng kumpensasyon at ayuda sa mga napinsala ng kalamidad. Sa pangunguna ng Nagkakaisang Magsasaka Novo Ecijano (NAMANE), inihapag nila ang petisyon sa isang dayalogo sa Sangguniang Bayan ng Guimba noong Oktubre 5.
“Ibsan ang aming pagkalugi at paghihirap,” saad sa kanilang petisyon. Nagsidapa at nalubog sa baha ang mga pananim na palay sa gitna ng tuluy-tuloy at malakas na pag-ulan dala ng Habagat at mga bagyo mula Hulyo hanggang Setyembre.
“Aabot lamang sa 30-50 kaban ang naani naming palay, nasa 40-50 kaban ang ganap nang napinsala, higit ₱40,000-₱50,000 ang nalugi sa amin kada ektarya. Mayroon sa amin wala nang inani,” ayon sa petisyon. Dagdag pang pahirap sa kanila ang pambabarat ng mga komersyante sa pagbili sa naisalbang palay sa presyong ₱11-₱17 kada kilo.
Reklamo ng mga magsasaka, walang plano ang rehimeng Marcos na ibsan ang pagkalugi ng mga namumuhunang magsasaka at ang matagal nang labis na naghihirap na mga porsyentuhang magsasaka at manggagawang-bukid. “Limang taon nang nagtataingang kawali si Pres. Marcos at ang Kongreso sa panawagan ng magsasaka at mamamayan,” ayon sa petisyon.
Binatikos nila ang kainutilan ng National Food Authority (NFA) ng Department of Agriculture na dapat ay bumibli sa kanilang palay sa batayang presyo na ₱22/kilo. Tinanggal ng maka-dayuhang batas na Rice Tariffication Law ang kapangyarihan ng NFA na bumuli ng palay sa makatwirang presyo, kasabay ng liberalisasyon ng importasyon ng bigas. Dagdag nila, inutil ang rehimeng Marcos sa pagsawata at pagparusa sa pagmanipula ng mga trader, miller at kartel sa suplay at presyo ng palay at bigas.
“Hindi na namin mababata ang mga pagdurusa sa mga pinsalang dulot ng kalamidad at ng matagal nang pagtalikod at pagpapabaya sa amin ng gubyerno,” ayon sa petisyon. Inilatag ng mga magsasaka at manggagawang bukid ang tatlong pangunahing panawagan sa kanilang petisyon.
Giit ng mga magsasaka na bigyan ng kumpensasyon at ayuda ang mga namuhunang magsasaka, porsyentuhan at manggagawang bukid. Isinusulong nila ang ₱20,000 kada ektarya para namuhunang magsasaka at ₱10,000 para sa mga porsyentuhang magsasaka at manggagawang bukid na matagal nang hindi nabibigyan ng ayuda ng gubyerno.
Panawagan nila ang pagbasura sa Rice Tariffication Law. Kaugnay nito ng kanilang kahingiang itigil sa malakihang importasyon ng bigas, pagbalik sa papel ng NFA para magtiyak ng sapat na suplay at makatwirang presyo ng palay at bigas. Kaakibat nito ang panawagan nilang suporta at subsidyo sa lokal na produksyon at pagsasaka katulad ng pondo para sa kailangang mga pasilidad pagkatapos mag-ani.
Itinutulak rin nila ang papapatupad ng gubyerno sa itinakdang ₱22 kada kilo na batayang presyo ng pagbili sa sariwang palay hanggang sa pribadong sektor. Kaugnay nito, dapat umanong bilhin ng pambansang gubyerno sa pamamagitan ng NFA at ng mga lokal na gubyerno ang 20-25% kabuuang ani sa halagang ₱22/kilo pataas. Hinimok rin nila ang gubyerno na pahigpitin ang paglaban sa manipulasyon sa suplay at presyo at buwagin ang kartel sa palay at bigas.
The post Kumpensasyon at ayuda, ipinetisyon ng mga magsasaka ng Nueva Ecija appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

