Tatlong taon na ang nakaraan nang maglunsad ng opensiba ang mga Palestino para ipagtanggol ang sarili sa mapanakop na Zionistang Israel na nais lumipol sa kanila at magpalayas sa kanilang bansa mula pa noong 1948. Kahanga-hanga at nararapat pagpugayan ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayang Palestino bilang pagsalag sa mga atake at pagkubkob sa Gaza na pakana ng US-Israel at bilang bahagi ng kanilang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya.
Noong Oktubre 7, 2023, sa tinaguriang Operation Al Aqsa Flood ng rebolusyonaryong Hamas, hindi bababa sa apat na libong rocket ang pinakawalan nila, kasabay nito ay umatake sila sa Gaza Strip at sa iba’t ibang panig gamit ang sasakyang panglupa at paragliding. Ang Gaza Strip ay 28-milyang baybay-dagat na nagsisilbing tirahan ng maliliit na komunidad at refugee camp na resulta ng Gerang Palestino noong 1948. Inokupa ito ng Israeli Defense Force (IDF) pagkatapos ng maiksing anim na araw ng labanang tinawag na Arab-Israel War noong 1967. Simula noon hindi na nila ito binitawan at nagpatupad ang IDF ng mahihigpit na restriksyon sa galaw ng mga nakatira at suplay sa Gaza Strip.
Ang Operation Al Aqsa Flood ay patunay sa kakayahan at pagsisikap ng itinuturing na underdog na lahi laban sa isang pasistang bansa na suportado ng imperyalismong US. Ang kahandaan ng mamamayang Palestino na humawak ng sandata at pag-asa sa sarili bilang tanging solusyon para lumaya sa pang-aapi sa kanila ang magtitiyak ng tagumpay ng kanilang pakikibaka.
Dapat na gawing inspirasyon ng sambayanang Pilipino ang pakikibaka ng mga Palestino. Dapat makipagkapit-bisig sa kanila at sa iba pang lahing inaapi ng imperyalismong US.
Isang malaking hamon sa New People’s Army na magpatuloy sa pagpupunyaging dalhin sa bagong yugto ng lakas at sigla ang digmang bayan bilang pinakaepektibong sandata upang labanan ang pasistang rehimeng US-Marcos II. Kailangang maging mapangahas sa pagkamit ng mga tiyak na maipagtatagumpay na mga taktikal na opensiba bilang kongkretong ekspresyon ng pagtatanggol sa masang api. Maisisikad lamang ito sa lubusang pagsalig sa masa at puspusang pag-aaral ng mga teorya at praktika ng digma.
Inaanyayahan ang lahat ng mamamayang napukaw ang damdamin at sumuporta sa mithiin ng mga Palestino na gapiin para wakasan ang henosidyong inilulunsad ng Zionistang Israel—na ibaling ang ganitong simpatya at malasakit sa sariling bansa at kapwa Pilipino. Panawagan ito lalo na sa kabataang Pilipino na pag-aralan ang lipunan at lumahok sa digmang bayan na isinusulong ng New People’s Army sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo). Tiyak na sa pagsalig sa masa at paglahok ng masa sa rebolusyon, maipagtatagumpay ito, at magiging malaking ambag sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.
The post Patuloy na suportahan ang pakikibaka ng mga Palestino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

