Nakatakdang lumapag sa bansa sa darating na buwan ang pinunong imperyalistang mandaragit na si Donald Trump. Duguan ang matatalas na kuko at nakabuka ang mga pakpak, dala niya ang Pax Silica, para ganap na salikupin ang lupa at yaman ng bansa, sa interes ng mga kapitalistang Amerikano. Sa dala niyang iskema ng pang-aapi, tiyak na sasalubungin siya ng mainit na protesta ng sambayanang Pilipino.
Sa iba’t ibang dako ng bansa, higit lalo sa malawak na kanayunan, sumisiklab ang paglaban sa harap ng lalong pagsahol ng pang-aapi sa malawak na masa ng sambayanan. Patindi nang patindi ang pagdurusa, paghihirap, gutom at pagsadsad ng antas ng pamumuhay ng malawak na masa bunga ng mga programa at patakaran ng rehimeng Marcos na pabor sa interes ng mga naghaharing-uri at malalaking kapitalistang dayuhan.
“Economic and security hub” sa Tarlac, mga riles sa ilalim ng Luzon Economic Corridor, mga minahan mula Nueva Vizcaya, Mindoro, Romblon, Samar, hanggang sa Caraga at Saranggani, “solar farm” sa Nueva Ecija, paliparan sa Bukidnon, “bamboo plantation” sa Lanao. Minamadali, pinararami at pinalalawak ang mga trosohan, minahan, plantasyon, mga proyektong panturismo at pang-enerhiya, at imprastrukturang kumakamkam sa daan-daan libong ektarya at nagtataboy sa laksang libong magsasaka at katutubo mula sa kanilang lupa, at maging mamamalakaya sa kanilang mga pangisdaan.
Pinalalala nito ang malawak na kawalan ng sariling lupang sinasaka. Huwad ang apat na dekada nang reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno. Pito pa rin sa sampung nagbubungkal ang walang sariling lupang pag-aari. Pinakamatingkad ito sa mga palayan, tubuhan at malalawak na asyenda at plantasyon, kung saan pinakamasahol ang mga anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Ang maghapong pagkakayod-kalabaw ay walang pangakong pag-asenso sa harap ng mataas na gastos sa produksyon at pamumuhay, at pagkalugi sa harap ng pambabarat at pandaraya sa presyo ng mga produktong pang-agrikultura. Lubog sa utang ang mga magsasaka sa mga usurero at bangko na nagsasamantala sa kanilang desperadong sitwasyon.
Dagdag pasakit sa kanayunan ang matinding militarisasyon at pasistang paniniil ng pwersang militar at pulis. Kung saan pumapasok ang mga trosohan, minahan, mga plantasyon o iba pang empresang nangangamkam ng lupa, doon pinakamatindi ang panunupil. Sa balangkas ng “kontra-insurhensya,” ipinapataw ang batas militar sa mga barangay sa anyo ng pagkontrol sa galaw ng mga tao, kabilang ang pagbabawal sa masang magsasaka na magtrabaho sa mga bukid, kahit panahon ng taniman o anihan.
Malawak na pangamba ang dala ng paparating na Super El Niño, na magdudulot ng pinsala sa agrikultura, lalong pagkalugi ng masang magsasaka, at masidhing gutom sa kanayunan. Nagngingitngit ang galit ng masa sa harap ng walang makatuturang ginagawa ng rehimeng Marcos sa harap ng napipintong kalamidad.
Dagdag pang pangamba sa kanayunan ang maya’t-mayang pag-eensayong militar ng US at AFP. Hindi lamang ginagambala ang kabuhayan ng masang magsasaka at mamamalakaya, isinasapeligro din nito ang kanilang buhay at sumisira sa kapaligirang pinagkukunan nila ng kabuhayan.
Ang malawak na pagdurusa sa kanayunan ay pagdurusa ng buong bayan. Ang masang magsasaka ang bumubuo ng mayorya ng mamamayang Pilipino. Sila ang pinakamalaking produktibong pwersa sa bansa. Buu-buo silang pamilyahang naglilinang ng lupa at lumilikha ng yaman ng bansa, kahit marami sa kanila ay “hindi nakikita” sa mga estadistika ng reaksyunaryong estado.
Ang malawak na pagpapalit-gamit ng mga lupang pang-agrikultura ay nagwawasak sa produksyon ng pagkain, at nagreresulta sa lalong pagsalalay sa pag-aangkat, at sa pagtaas sa presyo ng bigas, mga gulay at iba pang produktong pagkain. Walang awat ang pagtaas ng gastos sa pamumuhay sa bansa, habang mababa ang sahod at kita ng mayorya ng mamamayan.
Ang masidhing kalagayan sa kanayunan ay salamin ng nagpapatuloy na krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Walang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Habang atrasado ang produksyon sa lupa, kulang na kulang ang produktibong hanapbuhay, laluna sa harap ng malawakang pagtataboy. Palaki nang palaki ang walang lupang masasaka, at nagiging manggagawang-bukid o mala-proletaryado sa kanayunan. Para mabuhay, nagkakasya sila sa pana-panahong trabahong nakatali sa produksyon at komersyong pang-agrikultura.
Ang paglalim ng krisis at sumisidhing kontradiksyon ng monopolyo-kapitalistang sistema sa buong daigdig, ay lalong nagpapalubha sa krisis panlipunan at pang-ekonomya sa bansa. Masidhi, sa partikular, ang krisis sa kanayunan sa tulak ng mga korporasyong Amerikano at transnasyunal na sarilinin ang pandarambong sa likas na yaman ng bansa, at ibaba ang presyo ng mga produktong pang-eksport.
Ang hangarin para sa tunay na reporma sa lupa, na laman ng programa ng Partido at ng National Democratic Front of the Philippines, ang dahilan na binabagtas ng masang magsasaka ang landas ng pakikibaka para sa pambansa-demokratikong pagbabagong lipunan. Sa landas na ito, nagbubuklod sila para isulong ang kanilang kagyat na mga kahingian: para sa pagpapababa ng upa sa lupa sa anyo ng pabor-sa-magsasakang hatian sa gastos at ani, umento sa sahod ng mga manggagawang-bukid at manggagawang agrikultural, pagpawi sa usura at makatwirang presyo para sa mga produktong bukid.
Nakakawing ang mga pakikibakang antipyudal ng masang magsasaka sa pakikibaka ng buong bayan para ipagtanggol ang karapatan sa lupa laban sa tumitinding pangangamkam at pandarambong sa yaman at patrimonya ng bansa. Sa gayon, dapat magkaisa ang buong bayan sa kalunsuran at kanayunan. Mistulang kinukumutan ng tuyong dayami ang kanayunan. Ang mga diklap ng paglaban ay tiyak magsisindi ng malawak na apoy ng pakikibaka.
Hamon sa mga manggagawa, malamanggagawa, mga kabataang estudyante, at iba pang sektor sa kalunsuran na magtungo sa kanayunan at makipagkapit-bisig sa masang magsasaka sa pakikibaka para isulong ang kanilang karapatan sa lupa, labanan ang pagsasamantala at ipagtanggol ang patrimonya ng bansa.
Panawagan sa lahat ng demokratikong uri at sektor na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumahok sa digmang magsasaka, na malaking bahagi ng digmang bayan. Sa kanayunan, tuluy-tuloy na nagpapalakas ang BHB sa pamamagitan ng ubos-kayang pagpapalalim at pagpapalawak ng ugnay sa masang magsasaka. Sa harap ng tumitinding pang-aapi, determinado ang BHB na isulong ang armadong pakikibaka para suportahan ang mga pakikibaka ng masang magsasaka at buong bayan.
The post Ibayong pag-alabin ang apoy ng pakikibaka sa kanayunan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

