Nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang tatlong armas sa operasyong dis-arma na inilunsad nito sa Negros Occidental noong Setyembre. Maliban dito, naiulat din ang mga armadong aksyon ng hukbong bayan sa Samar at South Cotabato. Hindi bababa sa walong sundalo ang napatay habang apat ang nasugatan sa mga armadong aksyon na ito.
Sa Negros Occidental, nireyd ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang upisina ng despotikong panginoong maylupa na si Clint Aranas sa Sityo Ma-aswa, Barangay Gen. Luna, Toboso noong Setyembre 22. Nakumpiska ng mga Pulang mandirigma sa mga tauhan ni Aranas ang isang M4, Micro Galil, at KG9 sub-masinggan.
Si Aranas at ang kanyang pamilya ay kilala sa mga kaso ng pagsasamantala sa mga magsasaka sa mga komunidad ng Northern Negros. May kaso sila ng pangangamkam ng lupa at panliligalig sa mga magsasaka gamit ang pribadong armi. Sa pambansang pulitika, humawak ng mga pusisyon si Aranas sa Bureau of Internal Revenue at Government Service Insurance System. Nagsilbi rin siyang upisyal ng partido ng mga Duterte na PDP-Laban at ngayon ng Partido Reporma.
Noong Setyembre 29, naglunsad ng operasyong haras ang BHB laban sa nagpapatrulyang tropa ng 79th IB at CAFGU sa Sityo Bautista, Barangay Malasibog, Escalante City ng alas-3 ng hapon. Sa tatlong minutong putukan, isang sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan. Sa takot ng tropang militar, isang oras pa itong walang patumanggang nagpaputok kahit wala na ang Pulang hukbo.
Malugod na sinalubong ng masang Negrosanon ang mga armadong aksyon ng BHB-Northern Negros. Ayon sa yunit, ang kanilang pagsisikap na ilunsad ang mga ito ay bahagi ng pagkakamit ng hustisya sa mga biktima ng karahasan ng pasistang estado, partikular sa mga biktima ng masaker sa Toboso noong Abril.
Sa Samar, dalawang pasistang sundalo ang napatay at dalawa pa ang nasugatan sa magkasunod na engkwentro sa Barangay Hiduroma, San Jose de Buan sa pagitan ng tropa ng 8th ID at ng BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) noong Setyembre 27. Sa unang sagupaan, nakalapit ang dalawang Pulang mandirigma sa isang nagpapahingang sundalo na kanilang pinaputukan. Sa kasunod na labanan, unang nakapagpaputok ang BHB laban sa isa pang kolum ng mga sundalo na nakaabang para ambusin sila sa daanan.
Sa South Cotabato, nabigo ng BHB-South Cotabato ang magkakasunod na atake ng 105th IB noong Setyembre 14 at 15 sa bayan ng T’boli. Ligtas na nakapagmaniobra ang Pulang hukbo at nabigwasan ang pasistang tropa na nagresulta sa pagkamatay ng limang sundalo at pagkasugat ng iba pa.
The post 3 armas, nakumpiska ng BHB sa Negros Occidental appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

