Inianunsyo ng Kabataang Makabayan (KM) ang pagkakatatag ng tatlong bagong balangay nito noong Hunyo at Setyembre. Kabilang sa mga naitatag ang isang panrehiyong balangay at dalawang balangay sa loob ng mga state university and college o SUC.
Noong Hunyo, nagtipon sa isang hindi tinukoy na lokasyon sa Ilocos ang 20 kabataan mula sa iba’t ibang unibersidad at komunidad para muling itatag ang KM-Ilocos. Ayon sa kanila, ang pagsisikap na itatag muli ang balangay ay bahagi ng pagpupursigi na itaas ang antas ng pakikibaka at pagsusulong ng digmang bayan ng kabataang Ilocano.
Ang panrehiyong balangay ay ipinangalan kay Kasamang Julius “Ka Goyo” Marquez, isang Pulang kumander ng BHB-Ilocos Sur (Alfredo Cesar Command) na pinaslang ng AFP at namartir noong Pebrero 13, 2020. Bago sumapi sa BHB, aktibo siya sa kilusang kabataan-estudyante sa rehiyon.
Noong Setyembre 25, nagtipon ang mga kabataang estudyante para itatag ang KM-Dario Manahan. Bilang pagsalubong sa pagtatag ng balangay, naglunsad ito ng oplan pinta-oplan dikit (OP-OD) sa loob ng College of Communication sa kampus ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Manila.
Ipininta at ipinaskil nila sa mga pader ng kolehiyo ang mga panawagang sumapi sa BHB at pakikibaka para ibagsak ang imperyalismong US. Binigyang parangal din nito si Leonardo Manahan (Ka Dario) kung kanino nakapangalan ang balangay.
Inianunsyo rin ng KM ang pagtatag isa pang bagong balangay sa isang hindi tinukoy na SUC sa National Capital Region.
Ang mga balangay ng KM ay itinatayo sa loob ng mga eskwelahan, komunidad, pagawaan, baryo at iba pang may konsentrasyon ng kabataan. Isa ito sa alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines, nagkakaisang prente para sa rebolusyonaryong armadong pakikibakang inilulunsad ng BHB.
The post 3 bagong balangay ng KM, naitatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

