Mariing kinundena ng mga magsasaka at mangingisda ang kainutilan ng rehimeng Marcos Jr na maghanda para sa malalalang epekto ng El Niño. Ngayon pa lamang ramdam na nila ang epekto ng penomena, na inaasahang titindi sa antas na Super El Niño sa susunod na mga buwan.

Ayon mismo sa mga ahensya ng estado, umiiral na ang malakas na El Niño at malaki ang tsansa na tutungo ito sa antas na “very strong” o malakas na malakas mula Setyembre hanggang Disyembre. Dala nito ang mas mainit na temperatura, mas madalang na pag-ulan at mas mahabang tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.

Bulnerable sa tagtuyot ang palay, mais at iba pang pananim. Hindi lamang isang siklo ng taniman ang mapipinsala. Apektado rin ang susunod na siklo lalo ng mga sakahang nakaasa sa ulan. Nanganganib ang mga nakapagtanim na hindi makaani kapag kapusin ang tubig sa panahon ng pamumulaklak o pagbubuo ng butil.

Sa taya ng Department of Agriculture, maaaring bumaba nang hanggang 400,000 hanggang 700,000 metriko tonelada ang produksyon ng palay, depende sa tindi at tagal ng tagtuyot.

Palpak na mga solusyon

Sa Ilocos, kinwestyon ng mga magsasaka ang panawagan ng National Irrigation Administration na magtipid sa tubig-irigasyon at mag-adyas ng iskedyul ng pagtatanim bago tumindi ang El Niño. Malaking insulto sa kanila ang sabihang magtipid gayong ngayon pa lamang ay kulang na ang tubig sa mga kanal ng irigasyon. Iginiit nila sa ahensya na kumpunihin ang sirang mga pasilidad, maghanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig at bigyan ng sapat na subsidyo ang mawawalan ng tubig.

Kinwestyon din ng mga magsasaka ang praktikalidad ng pagbabago ng iskedyul ng pagtatanim gayong gumastos na sila sa paghahanda ng lupa, binhi, abono at paggawa. Para sa maraming pamilya sa kanayunan, ang pagpapaliban ng isang taniman ay katumbas ng pagkawala ng kita dahil wala namang kapalit na kabuhayan.

Dagdag na pasanin ang presyo ng diesel sa mga magsasakang umaasa sa mga demotor na bomba ng tubig. Nitong nakaraan, muling pumalo sa ₱100-₱110 kada litro ang krudo. Di lahat nabigyan ng maliit na fuel subsidy na ipinangako ng estado noong Abril.

Epekto sa ibang sektor

Malaki rin ang epekto ng El Niño sa pangisdaan. Kapag uminit ang tubig-dagat at mga lawa, maaaring magbago ang distribusyon ng isda, bumaba ang huli at maapektuhan ang pagpaparami ng ilang uri ng isda. Sa mga palaisdaan, maaaring lumala ang kakulangan sa tubig, tumaas ang alat at bumaba ang oxygen na maaring magdulot ng malawakang fishkill o pagkamatay ng isda. Nangangahulugan ito ng dagdag na gastos para sa pagkain, pagpapalamig, transportasyon at meyntenans ng mga palaisdaan.

Banta sa pangkalahatang populasyon ang pagbaba ng lebel ng mga dam, ilog, bukal at iba pang pinagkukunan ng tubig. Kapag lumiit ang daloy ng mga ilog at bumaba ang antas ng tubig sa lupa, maaaring maapektuhan ang suplay ng tubig para sa inumin, pagluluto, paghuhugas at sanitasyon.

Hindi sapat ang pangkalahatang panawagang huwag mag-panic o huwag mag-imbak ng tubig, ayon sa mga magsasaka. Sa harap ng banta ng El Niño, hindi dapat kinaltasan ang badyet sa agrikultura, lalo sa irigasyon na binawasan nang ₱16.9 bilyon sa badyet para sa 2027, crop insurance nang ₱2 bilyon, production support and services nang ₱5.8 bilyon at calamity fund nang ₱1.2 bilyon.

Iginiit nila sa estado ang malinaw na target para sa suplay ng bigas at iba pang pagkain, sapat na buffer stock, libreng binhi at input, tulong sa krudo, suporta sa mga mangingisda at agarang kompensasyon para sa mga mawawalan ng ani o huli. Kinundena nila ang labis na pag-asa sa importasyon ng bigas, imbes na palakasin ang lokal na produksyon nito.

Kasabay nito, hiling ng mga magsasaka ang pagpapababa o pansamantalang pagsuspinde sa upa sa lupa, proteksyon laban sa usura at mapagsamantalang komersyante at mas mataas na sahod para sa manggagawang-bukid.

The post Marcos, siningil sa pagkainutil sa paparating na Super El Niño appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.