Pinaulanan ng bala ng mga Pulang mandirigma ng Roselyn Jean Pelle Command-New People’s Army (NPA) ang nagpapatrulyang mga pasistang sundalo ng 79th IB sa Sityo Bautista, Barangay Malasibog noong Setyembre 29, 2026, bandang alas-3 ng hapon. Tumagal nang 3 minuto ang pagpapalitan ng putok kung saan 1 pasistang kaaway ang kumpirmadong napatay at 2 ang sugatan. Ligtas naman na nakapagmaniobra ang mga Pulang mandirigma. Sa kabilang banda, umabot naman ng 1 oras ang patuloy na pagpapaputok ng militar at CAFGU dahil sa kanilang paranoia at desperasyon na ipamukha sa publiko na engkwentro ang nangyari.

Inilunsad ng NPA ang operasyong haras laban sa 79th IB at CAFGU bilang tugon sa lumalalang militarisyon sa lugar at bilang pagbibigay hustisya sa pamilya ng mga pinaslang ng pasistang AFP. Patunay rin ito na ang suporta ng malawak na masa ng Toboso at Escalante ay nananatiling nasa panig ng rebolusyonaryong kilusan. Ipinakikita nito na ang BHB ay higit na tumatatag at lumalakas bilang hukbo ng mamamayan.

Sa harap ng pasistang panunupil ng militar, pinangingibabawan ng masa ang takot at walang pagdadalawang-isip na lumalahok sa digmang bayan. Napatunayan na sa kasaysayan na ang paglaban ng masa at ng NPA ang tanging makalulutas sa suliranin sa lupa ng maralitang magsasaka at sa mababang pasahod sa malalaking hasyendang tubuhan ng mga panginoong maylupa.

Katuwang ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang NPA, namumulat ang masa sa tunay na kalagayan ng ating lipunan. Nakikita ng inaaliping masa ang papel nila para sa kalayaan ng ating bayan laban sa mga mapagsamantalang mga imperyalista, panginoong maylupa at malalaking burgesya-kumprador. Hinding hindi mauubos ang Partido at hukbong malalim na nakaugat sa masa!

The post 1 patay, 2 pa sugatan sa 79th IB sa operasyong haras ng RJPC-NPA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.