Isiniwalat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bicol (Romulo Jallores Command) ang kinahinatnan ng isang ahenteng kontra-rebolusyonaryo ng 9th ID sa Albay noong Agosto matapos siyang magpagamit laban sa rebolusyonaryong kilusan. Pinaslang ng kanyang sariling mga handler si Gerardo Abache noong Agosto 31 at pinalabas na isang mataas na upisyal ng BHB na napatay sa engkwentro sa Sityo Catingting, Barangay Magogon sa bayan ng Camalig.

Sa ulat ng 31st IB, si Abache o alyas Josam ay napatay matapos ang isang engkwentro sa 5-kataong yunit ng BHB noong Agosto 31 ng alas-9 ng gabi. Pinalabas ng militar na sa panahon ng kanyang pagkamatay ay lider siya ng Regional Special Operations Group ng BHB-Bicol. Sinasabi pang nakumpiska mula sa labanan ang isang pistola, mga subersibong dokumento at personal na kagamitan.

Ayon sa tagapagsalita ng BHB-Bicol na si Ka Raymundo Buenfuerza, gawa-gawa lamang ng 31st IB ang balitang engkwentro. Sa imbestigasyon ng yunit, walang palitan ng putok na naganap at sa halip ay nakarinig lamang ng pitong putok ng baril ang mga residente sa sityo. “May mga kwento pa nga na bangkay na si Abache nang dalhin doon at drama na lamang ang pagpapaputok ng mga pasista,” ayon sa tagapagsalita ng panrehiyong yunit.

Inilinaw rin ni Buenfuerza na si Abache ay hindi na upisyal ng BHB sa panahon ng kanyang pagkamatay. “Ang totoo, patraydor nilang pinaslang si Abache, na may isang taon na nilang hawak at ginagamit laban sa rebolusyonaryong kilusan,” aniya. Noong 2025 pa sumuko sa mga pwersa ng estado si Abache matapos tumiwalag sa BHB.

Tumiwalag sa hukbong bayan si Abache noong Agosto 2025 para takasan ang imbestigasyon ng kinauukulang rebolusyonaryong organo sa hindi niya maipaliwanag na pagkawala ng malaking halaga ng salaping nasa kanyang pangangalaga. Bukod pa ito sa mga transaksyon at pangungolekta ng pinansya na inilingid niya kaalaman ng kinauukulang rebolusyonaryong awtoridad. Siniyasat din kaugnay nito ang napansing magastos na pamumuhay ni Abache taliwas sa mga istandard ng simpleng pamumuhay sa rebolusyonaryong kilusan.

Imbwelto rin si Abache sa pagsasalong sa kaaway ng malaking bahagi ng arsenal ng BHB-Bicol na kinabibilangan ng marami-raming mataas na kalibre ng armas, bala at iba pang kagamitang pandigma. Sa kanyang pagtiwalag, hindi pa tumigil sa kontra-rebolusyonaryong mga gawi si Abache at patuloy pang ginamit ang pangalan ng rebolusyonaryong kilusan.

Nangikil siya ng malalaking halaga mula sa ilang kontratista ng mga proyektong imprastruktura ng reaksyunaryong gubyerno, gayundin sa ilang pulitiko sa Albay at Sorsogon. “Siguradong malaki ang nakurakot ng mga military handler ni Abache sa naturang mga transaksyon,” ayon kay Buenfuerza.

Noong Mayo 13 na lamang nakumpirma ng BHB-Bicol na nakapailalim na sa kontrol ng militar si Abache nang mamataan siya sa Almara Beach Resort sa Maonon, Ligao City, kasama ang ilang tukoy na mga tauhan sa intelidyens ng militar. Ayon sa ulat na natanggap ng hukbong bayan, lasing na lasing noon si Abache na pinasasayaw nang hubo’t hubad at pinagkakatuwaan ng kanyang mga kasamahan.

“Ang tanong ngayon ay kung bakit siya pinatay ng kanyang mga handler,” ayon kay Buenfuerza. Pagtatanong ng tagapagsalita, dahil ba wala na siyang pakinabang sa militar o nagkaroon ng onsehan sa milyun-milyon niyang nakukuha sa pangingikil. Hindi man masagot ang mga tanong na ito, malinaw ang sinapit ni Abache sa kamay ng militar ayon kay Buenfuerza: trinaydor siya ng mga ito. Dagdag pang insulto sa nangyari sa kanya ang pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ni Abache sa kanyang pagkamtay.

Nagbabala si Buenfuerza sa mga katulad ni Abache na mga aktibong nagpapagamit sa militar bilang kontra-rebolusyonaryong mga ahente nito. “Hindi malayong ganito rin ang sasapitin ng iba pang nagtaksil sa masa at rebolusyonaryong kilusan na gagamitin at bubuhayin lang ng mga pasista hangga’t may pakinabang pa sila,” aniya.

The post Sariling ahenteng kontra-rebolusyonaryo, pinatay ng militar sa Albay appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.