Mapangahas na naglunsad ng reyd at operasyong dis-arma ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) laban sa isang despotikong panginoong maylupa sa bayan ng Toboso, Negros Occidental noong Setyembre 22. Tinarget ng armadong aksyon ng Pulang hukbo si Clint Aranas at kanyang mga bayarang maton sa Sityo Ma-aswa, Barangay Gen. Luna.

Ayon sa BHB-Northern Negros, nakumpiska ng mga Pulang mandirigma sa upisina ni Aranas ang isang M4, Micro Galil, at KG9 sub-masinggan. Si Aranas at ang kanyang pamilya ay kilala sa mga kaso ng pagsasamantala sa mga magsasaka sa mga komunidad ng Northern Negros. May kaso sila ng pangangakam ng lupa at panliligalig sa mga magsasaka gamit ang pribadong armi.

Si Aranas ay humawak rin ng mga pambansang pusisyon sa gubyerno ng Pilipinas sa layuning panatilihin ang pinag-aariang lupa at palawakin pa ang yaman ng kanilang pamilya. Noong 2016, naitalaga siya bilang ikalawang komisyuner sa usaping ligal sa Bureau of Internal Revenue.

Noong 2017, itinatalaga siya bilang pangulo at pangkalahatang manedyer ng Government Service Insurance System (GSIS). Sa pagtutuos ng Commission on Audit sa GSIS, naglabas ito ng ulat sa “iligal na mga insentiba” na nagkakahalaga ng ₱260.5 milyon na ibinigay ni Aranas sa mga empleyado ng ahensya.

Nagsilbi rin siyang upisyal ng partido ng mga Duterte na PDP-Laban. Tumatayo siya ngayon na pangkalahatang kalhim ng Partido para sa Demokratikong Reporma na kasalukuyang sumusuporta kay bise presidente Sara Duterte.

Sa matagumpay na armadong aksyon nito, nagpsalamat ang BHB-Northern Negros sa masang walang takot at walang sawang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Anang yunit, patunay lamang ang armadong aksyon na mananatiling tapat ang hukbong bayan sa pagiging sandigan ng magsasaka laban sa mapagsamantalang mga panginoong maylupa.

The post Despotikong panginoong maylupa sa Negros Occidental, nireyd at dinis-armahan ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.