Dalawang pasistang sundalo ang napatay sa magkasunod na engkwentrong naganap sa Barangay Hiduroma, San Jose de Buan, Samar sa pagitan ng tropa ng 8thd ID at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) noong Setyembre 27. Ang mga sundalo ng 8th ID na isang linggo nang nag-ooperasyon sa bayan ay bahagi ng tropang militar nito na naglulunsad ng focused military operation laban sa yunit ng BHB.

Naganap ang unang engkwentro ng alas-4:30 ng hapon sa naturang barangay. Ayon sa ulat ng BHB-Western Samar, nakalapit ang dalawang Pulang mandirigma sa isang nagpapahingang sundalo at dalawang magkasunod na putok ng kalibre .45 ang pinakawalan ng mga ito na nagresulta sa agarang pagkamatay ng sundalo.

Pagkalipas ng isang oras, alas-5:30 ng hapon, unang nakapagpaputok ang BHB laban sa isa pang kolum ng mga sundalo na nakaabang para mang-ambus sa daanan. Napatay ang isang sundalo ng 8th ID at dalawang iba pa ang nasugatan.

Pinasinungalingan ni Ka Tirado Dagohoy, tagapagsalita ng BHB-Western Samar, ang pahayag ng 801st IBde na ang kanilang operasyon ay tugon sa ulat ng masa sa presensya at pangingikil ng BHB sa mga residente. “Ang katotohanan ay hinaharas na nila ngayon ang mga residente sa lugar at pinagbibintangan ang mga tao na nagkukupkop sa BHB kaya sila naambus at namatayan,” ayon kay Dagohoy.

Matapos ang magkasunod na engkwentro, arbitraryong nagpataw ng patakaran ng paghihigpit sa kilos at aktibidad ng mga residente si Mayor Christal Jean Elizalde sa atas ng 8th ID. Ipinatigil ang pagsasaka at pinilit na manatili sa bahay ang mga residente, na nagdulot ng kawalan ng hanapbuhay. Ang San Jose de Buan ay may hindi bababa sa 7,939 residente.

Ayon kay Dagohoy, ang mga hakbang at pahayag ni Elizalde ay “walang pakiramdam at inutil.” Aniya, mistulang hindi batid ng meyor na panahon na ng pag-aani kaya hindi pwedeng hindi tumungo sa bukid ang mga magsasaka, kung hindi ay mabubulok ang kanilang pinaghirapang mga palay.

“Sa halip na ipagtanggol ang buhay at ari-arian ng kanyang nasasakupan, mistulang tuta na sunud-sunuran si Elizalde sa mga sundalo sa ngalan ng Municipal Task Force-Elcac,” pahayag niya.

The post 2 pasistang tropa ng 8th ID, napatay sa magkasunod na engkwentro sa BHB-Western Samar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.