Nabigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Cotabato ang pag-atake at operasyong kombat ng 105th IB laban sa kanila sa magkakasunod na engkwentro noong Setyembre 14 at 15 sa bayan ng T’boli, South Cotabato. Ligtas na nakapagmaniobra ang Pulang hukbo at nabigwasan ang pasistang tropa na nagresulta sa pagkamatay ng limang sundalo at pagkasugat ng iba pa.

Noong Setyembre 14, naganap ang unang engkwentro ng alas-8 ng umaga sa Sityo Datal Libe, Barangay Tudok. Sa ulat ng BHB-South Cotabato, 25 tropa ng militar ang kanilang nakasagupa sa loob ng 40 minuto bago ligtas na nakaatras. Tinatayang limang sundalo ng 105th IB ang namatay sa labanan habang may limang iba pang nasugatan.

Pagsapit ng alas-9 ng umaga, muling nabangga ng yunit ng BHB-South Cotabato ang tropa ng militar at nagkaputukan ng 15 minuto. Sa araw ding iyon, nakasagupa muli ng Pulang hukbo ang militar ng alas-4 ng hapon sa Sityo Datal Bong, Barangay Salacafe. Dalawang sundalo ng 105th IB ang naiulat na natamaan ng bala sa engkwentro.

Noong Setyembre 15, ligtas na nakapagmaniobra at nakaatras ang yunit ng BHB-South Cotabato sa reyd ng 105th IB sa kanilang pansamantalang kampuhan sa Sityo Haya Duloy, Barangay Dlanag bandang alas-5:40 ng umaga.

Pinasinungalingan ng BHB-South Cotabato ang mga pahayag ng 603rd IBde na nakumpiska ng 105th IB sa mga engkwentro ang ilang armas kablang ang M16, M79 grenade launcher, kalibre .38 rebolber, granada, command-detonated explosive at iba pang armas.

Matapos ang magkakasunod na engkwentro, nagpataw ng mga paghihigpit at inokupa ng 105th IB ang mga barangay kung saan naganap ang mga engkwentro. Ang militaristang mga hakbang na ito ay ipinataw sa tabing ng mga ipinatawag na “pulong-pulong”, “kampanya sa impormasyon” at “pakikipag-ugnayan sa komunidad.” Nagpalaganap ang militar ng panlalasi kabilang ang paghikayat na pumaloob sa pekeng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

The post Umaatakeng tropa ng 105th IB, binigwasan ng BHB-South Cotabato appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.