Mariing kinundena ng Tanggol Migrante Movement (TMM) at Migrante South Bay ang hindi makatarungang pagdetine ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) kay Mark Mabasa, anak ni Percy Lapid, noong Setyembre 21. Nagtungo ang pamilya ni Lapid sa US upang humingi ng political asylum dahil sa banta sa kanilang buhay matapos lumabas ang mandamyento de aresto kay Gerald Bantag, dating Director General ng Bureau of Corrections at inaakusahang nasa likod sa pamamaslang kay Lapid.
Si Lapid ang ikalawang mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Ang kanyang anak na si Mark ay isang mang-aawit. Kagagaling lamang niya sa isang pagtatanghal sa Chicago noong Setyembre 19 nang dakpin siya ng ICE. Kasalukuyang siyang nakadetine sa Adelanto ICE processing center. Ang kanyang unang pagdinig ay nakatakda sa Oktubre 2, isang araw bago ang ika-apat na anibersaryo ng pagpaslang ng kanyang ama.
Ayon sa TMM, inaresto Mabasa alinsunod sa agresibong pag-abot ng administrasyong Trump ng US ang kota nito sa pag-aresto ng 2,000 katao kada araw. Binawi na rin ang mga B1 at B2 visa (para sa negosyo at turismo) upang maabot ang kota nito.
Tulad ng kaso ni Mabasa, isang 22-taong gulang na Pilipinang nars sa Arizona na humihingi ng asylum ang hindi makatarungang inaresto at naharap sa hindi makataong kondisyon sa Eloy Detention Center. Ang mga nadetine ay nahaharap din sa napakamahal na ligal na bayarin para sa bond na umaabot ng $40,000.
Kinundena ng TMM ang pagtanggi ni Marcos Jr na tumindig para sa mga migranteng Pilipino na nahaharap sa arbitraryong pagka-aresto at hindi makataong detensyon.
Ayon sa grupo, hindi dapat maging karaniwan para sa mga lider ng gubyerno na manahimik lamang habang nilalabag ang mga karapatan at kapakanan ng kanilang mga kababayan. Kumpara sa ibang gubyerno na ipinagtatanggol ang karapatan ng kanilang mga kababayan, maliit ang ginagawa ng gubyerno ng Pilipinas.
“Hindi pa namin nakikita si Marcos Jr at ang kanyang mga kinatawan, tulad ni Ambassador Jose Manuel Romualdez, na ipagtanggol ang mga migranteng nasa US at nakahaharap sa mga pag-atake,” pahayag ng TMM.
Dahil sa lantarang kapabayaan ng rehimeng Marcos sa hinaing ng mga migrante sa US, maraming Pilipino ang nagdudusa, tulad ni Tatay Loreto na dalawang buwang nakulong sa ICE nang walang chemotherapy para sa kanyang kanser. Wala ring ginagawa ang rehimen para kay Kuya Nestor na papalapit na ang huling pagdinig sa Oktubre 7 matapos ang tatlong buwang hindi makatarungang pag-aresto.
Nananawagan ang mga grupo para sa agarang paglaya ni Mark Mabasa at lahat ng mga hindi makatarungang idinetine na mga migrante, na itigil ng administrasyong Trump ang pag-atake sa mga migranteng manggagawa at kanilang pamilya at itigil ang sabwatan ng administrasyong Marcos Jr at ng ICE at US.
The post Anak ni Percy Lapid, inaresto ng ICE sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

