Aktibong nakilahok ang siyam na bilanggong pulitikal sa Mountain Province District Jail sa Bontoc, Mountain Province sa isinagawang pagdiriwang sa Indidenous People’s Day noong Oktubre 2. Ang aktibidad ay inorganisa ng Office of the Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Mountain Province sa pangunguna ng kinatawan nitong si Tomas Tawagen.

Dumalo sa aktibidad si Vice Gov. Jose Dominguez, mga kinatawan ng nina Rep. Max Dalog Jr at Gov. Bonifacio Lacwasan Jr, mga myembro ng Mountain Province Provincial Board, mga IPMR ng mga barangay sa Bontoc, kinatawan ng National Commission on Indigenous Peoples provincial office at mga tagapagtanggol ng karapatang-tai.

Ayon sa Cordillera Peoples Alliance (CPA), ang aktibidad ay isang bihira ngunit mahalagang pagkakataon para sa mga bilanggo laluna sa mga bilanggong pulitikal na makibahagi sa isang pampublikong kultural na pagdiriwang. Ang siyam na bilanggong pulitikal sa kulungan ay mga katutubong mamamayan ng Mountain Province, Abra at Kalinga.

Suot ang katutubong mga kasuotan, nagtanghal ang siyam na bilanggong pulitikal ng mga awit at chant na sinabayan ng mga teyatrikal na galaw. Ang kanilang mga pagtatanghal ay naghatid ng malakas na mensahe hinggil sa mga suliraning kinahaharap ng mga katutubong mamamayan sa kasalukuyan. Tampok sa mga ito ang mensahe ng pagtatanggol sa lupang ninuno laban sa mapangwasak na mga proyekto at pagtataguyod sa karapatan sa sariling pagpapasya sa pamamagitan ng tunay na panrehiyong awtonomiya.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang mga pamilya ng mga bilanggong pulitikal at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao na palayain sila mula sa detensyon at ibasura ang mga kasong isinampa sa kanila. Ayon sa mga grupo, ang patung-patong na kaso laban sa mga bilanggong pulitikal ay gawa-gawa lamang at may layuning sadyang patagalin ang kanilang detensyon.

Humingi ang mga pamilya at mga grupo ng suporta mula sa kakailyan (mga myembro ng komunidad) na igiit ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa Mountain Province at buong Cordillera. Nanawagan rin sila ng suportang pagkain, mga gamot, ligal na tulong at hinimok ang kakailyan na bisitahin sila sa detensyon.

Sa buong Cordillera, mayroong hindi bababa sa 19 na mga blanggong pulitikal.

The post Pagdiriwang sa araw ng katutubo sa Mountain Province, isinagawa sa loob ng kulungan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.