Gawa-gawa ng militar ang balitang napatay nila sa isang engkwentro noong Agosto 31 si Gerardo Abache na tinukoy nila bilang mataas na opisyal ng New People’s Army sa Bikol. Ang totoo, patraydor nilang pinaslang si Abache, na may isang taon na nilang hawak at ginagamit laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Walang naniniwala sa diumano’y sampung minutong sagupaan na iniulat ng 9th Infantry Division ng Philippine Army. Pitong putok lang ang narinig ng mga tao malapit sa sinasabing pinangyarihan sa Magogon, Camalig, Albay. May mga kwento pa nga na bangkay na si Abache nang dalhin doon at drama na lamang ang pagpapaputok na ginawa ng mga pasista.

Noong 2025 pa sumuko sa kaaway si Abache na nakilala sa mga pangalang Josam, Mitoy, Floyd at Maeng noong aktibo pa siya sa NPA-Albay.

Tumiwalag si Abache sa NPA noong Agosto ng nakaraang taon para takasan ang imbestigasyong sinimulan ng mga kinauukulang rebolusyonaryong organo sa hindi niya maipaliwanag na pagkawala ng hindi kukulangin sa 3 milyong pisong pondo na nasa kanyang pangangalaga. Bukod pa ito sa mga transaksyon at pangungolekta ng pinansya na inilingid niya sa kinauukulang rebolusyonaryong awtoridad. Siniyasat din kaugnay nito ang napapansing magastos na pamumuhay niya taliwas sa mga istandard ng simpleng pamumuhay.

Nagsalong siya sa kaaway ng malaking bahagi ng arsenal ng NPA sa Bikol na kinabibilangan ng marami-raming HPR, bala at iba pang kagamitang pandigma. Noong kanyang pagtiwalag, nasubaybayan ng mga kasama ang patuloy niyang paggamit sa pangalan ng rebolusyonaryong kilusan para mangikil ng malalaking halaga mula sa ilang kontratista ng mga infrastructure project ng reaksyunaryong gubyerno, gayundin sa ilang pulitiko sa Albay at Sorsogon. Siguradong malaki ang nakurakot ng mga military handler ni Abache sa naturang mga transaksyon.

Nakumpirma ng BHB na hawak ng mga pasista si Abache nang mamataan siya noong nagdaang Mayo 13 sa Almara Beach Resort sa Maonon, Ligao City, kasama ang ilang tukoy na mga tao ng military intelligence. Lasing na lasing noon si Abache na pinasasayaw nang hubo’t hubad at pinagkakatuwaan ng kanyang mga kasamahan. Parang hayop siyang pinaglalaruan ng kanyang mga pasistang amo.

Ang tanong ngayon ay kung bakit siya pinatay ng kanyang mga handler. Nasagad na ba nila ang pakinabang na mapipiga sa kanya? Nagka-onsehan ba sila sa milyun-milyong nakukuha sa pangingikil? Ano man ang dahilan, tinraydor siya. Ito ang masaklap na naging katapusan ng traydor na si Gerardo Abache.

Hindi malayong ganito rin ang sasapitin ng iba pang nagtaksil sa masa at rebolusyonaryong kilusan na gagamitin at bubuhayin lang ng mga pasista hangga’t may pakinabang pa sila.

The post Si Gerardo Abache alyas Josam ay tinraydor ng military handlers niya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.