Nagbubunyi ang mamamayan ng San Jose de Buan sa matagumpay na kontra-opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa mga opensibang operasyon ng 8th Infantry Division sa mga erya ng nasabing bayan. Napatay ang isang sundalo nang makaengkwentro ng dalawang Pulang mandirigma ang tropa ng 8th ID noong September 27 bandang alas-4:30 ng hapon sa Barangay Hiduroma, San Jose de Buan. Nakalapit ang BHB sa namamahingang sundalo at dalawang sunod na pinaputukan ng kalibre .45 na nagresulta sa agad nitong pagkamatay. Samantala, isa pang sundalo ang napatay at dalawa pa ang sugatan matapos makaengkwentro ng BHB ang isa pang kolum ng sundalo na nakaambus sa daan bandang 5:30 ng hapon ng araw ding iyon. Unang nakakita at nakapagpaputok ang BHB na nagresulta sa agarang pagkamatay ng nabiglang sundalo.

Ang mga pasistang tropa ay halos isang linggo nang nag-ooperasyon sa mga kalapit na lugar. Kasinungalingan ang ipinagyayabang ng 8th ID na nagresponde sila sa report ng masa. Ang katotohanan ay hinaharas na nila ngayon ang mga residente sa lugar at pinagbibintangan ang mga tao na nagkukupkop sa BHB kaya sila naambus at namatayan.

Samantala, kinokondena ng mamamayan ang kanilang alkalde na si Crystal Elizalde sa pagsasabing hindi sila dapat mabahala basta’t hindi sila umalis sa kanilang mga bahay. Walang pakiramdam at inutil ang ganitong mga pahayag. Mistulang hindi batid ni Elizalde na panahon na ng pag-aani kaya hindi pwedeng hindi tumungo sa bukid ang mga magsasaka, kung hindi ay mabubulok ang kanilang pinaghirapang mga palay. Sa halip na ipagtanggol ang buhay at ari-arian ng kanyang nasasakupan, mistulang tuta na sunud-sunuran si Elizalde sa mga sundalo sa ngalan ng Municipal Task Force-Elcac. Hindi sapat ang kanyang mga hakbang tulad ng mga relief at caravan na tulad ng ginawa sa Barangay Can-Aponte para pagtakpan ang pamiminsala ng mga sundalo sa pananim ng mga magsasaka. Ngayong nahaharap ang mga magsasaka sa banta ng Super El Niño, na dagdag sa mas malupit pang banta sa kabuhayan na mga pesteng sundalong tuloy-tuloy na naghahari-harian sa kanilang lugar.

The post 2 sundalo patay, 2 sugatan sa engkwentro sa San Jose de Buan, Samar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.