Matagumpay ang muling pagtitipon ng mga kabataan sa rehiyon ng Ilocos nitong Hunyo 2026 upang muling itayo ang balangay ng rebolusyonaryong organisasyon ng mga kabataan, ang Kabataang Makabayan (KM). Dinaluhan ito ng humigit kumulang dalawampung (20) mga kabataan na yumayakap at naniniwala sa prinsipyo at rebolusyonaryong hangarin ng KM. Nilahukan ito ng mga rebolusyonaryong kabataang nagmumula sa iba’t-ibang pangkolehiyong paaralan at mga komunidad sa rehiyon. Itinatag ito bilang bahagi ng pagpupursige ng mga kabataan ng Ilocos na dalhin ang rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante sa mas mataas na antas ng pakikibaka, ang pagsusulong ng digmang bayan.
Ang muling tatag na balangay ng KM ay ipinangalan kay Kasamang Julius “Ka Goyo” Marquez bilang pagkilala, pagdakila at pagpaparangal sa kanyang kabayanihan. Si Marquez o Ka Goyo ay isang Pulang Kumander ng Bagong Hukbong Bayan-Alfredo Cesar Command (BHB-ACC) sa probinsya ng Ilocos Sur na pinaslang ng kaaway at namartir noong Pebrero 13, 2020. Kasama ang dalawa pang Pulang mandirigma na sina Ennabel Balunos at Maria Fenila Mejia, sila ay minasaker ng reaksyunayong pwersa ng AFP sa pangunguna ng 81st Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Namatican sa bayan ng Sta. Lucia.
Si Ka Goyo ay isang mahusay na estudyante at lider-aktibistang kabataan. Nagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa kursong BS Mathematics sa Don Mariano Marcos Memorial State University – South La Union Campus (DMMSU-SLUC). Sa kanyang kabataan at pagiging estudyante, namulat siya sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino sa ilalim ng isang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan.
Pinangunahan ni Ka Goyo ang kampanya ng mga kabataan para sa libreng edukasyon sa huling bahagi ng dekada 80 hanggang unang bahagi ng dekada 90. Nanguna rin si Ka Goyo sa mga kampanya para palayasin ang mga base militar ng US na noon ay nakahimpil sa Poro Point San Fernando City La Union.
Maging sa gitna ng mga paglihis at pagkakamali sa loob ng Partido Komunista, matibay na nanindigan si Ka Goyo para sa landas ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at demokratikong rebolusyong bayan. Tinugunan ni Ka Goyo ang panawagan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) ng PKP at buong tatag na sumapi sa New Peoples Army (NPA).
Para sa mga kasama at mga masang kanyang pinagsilbihan, katangi-tangi ang naging papel at ambag ni Ka Goyo sa pagsusulong at pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa larangarang gerilya sa Ilocos Sur. Bagay na dapat halawan at gawing inspirasyon ng mga kabataan sa patuloy na pagsusulong at pagpapalakas muli ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Lalo’t ang kalagayan sa kasalukuyan ay hindi naiiba sa kalagayan noong dekada 90. Sa kung paanong pinaghirapan, dugo’t pawis ang inialay ng mga kasama at mga masa ng reblosyonaryong kilusan upang mapalayas ang mga base militar noon ay siya namang bukas-palad na tuluyang pinababalik ng papet-pasistang rehimen ni Marcos Jr. sa ngayon.
Ang muling tatag na balangay ng KM sa Ilocos ay malaking sampal sa kaaway sa uri na kahit burtal na paslangin ang mga katulad ni Ka Goyo, patuloy na sisibol ang mga rebolusyonaryong kabataan at tatangan ng armas na mabibitawan ng mga martir ng sambayanan.
Sa asembleya ng muling pagtatayo ng KM Ilocos, hinahamon nito ang mga kabataan: maging tunay na pag-asa ng bayan! Paglingkuran ang sambayanan! Tumungo sa kanayunan at sumapi sa hukbong bayan para sa ganap na kalayaan at demokrasya!
The post Balangay ng Kabataang Makabayan, Matagumpay na Itinatag sa Rehiyon ng Ilocos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

