Sa kalagitnaan ng krisis sa klima, ibinibida ng gobyerno at ng mga malalakihang korporasyon ang transition sa renewable energy bilang solusyon — na ang mga solar, wind farm, at iba pa ay susi sa mura’t malinis na enerhiya. Pero habang kinakalbo ang mga kabundukan para itayo ang wind turbines, solar panels, at mga dambuhalang dams, ang bill ng kuryente—palagi pang tumataas!
Ang mga dapat itanong: sino ang may-ari ng mga planta, sinu-sino ang may kontrol ng transmisyon at distribusyon, at para saan ba talaga ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA?
Renewable energy
Patuloy ang pagdami ng mga wind at solar farm sa Pilipinas. Noong 2022, 1,530 megawatt (MW) na kuryente ang mula sa solar, at nadoble ito noong 2025 sa 3,003 MW. Umaabot na ngayon sa 3,892 MW (3.9 GW) ang kapasidad mula sa solar, habang ang wind farm o kuryenteng mula sa hangin ay nananatili sa 427 MW lamang.
Sinasabing malinis at mas mura ang kuryenteng nagmumula sa modernong teknolohiyang Renewable Energy (RE) tulad ng solar at wind farm. Ang RE ay teknolohiyang gumagamit ng mga likas na yamang halos di-nauubos tulad ng araw, hangin, at tubig. Mahigit 22 porsyento ng kuryente sa bansa ang galing sa RE — nagmumula ito sa geothermal plants (9.1%), hydroelectric dams (8.7%), solar farm (2.2%), wind farm (1.1%), at iba pang planta ng enerhiyang hindi umaasa sa petrolyong rekurso.
Sinasabi na kapag nagtayo ka ng RE tulad ng solar farm, ito ay mas mura kaysa sa paggamit ng coal power plant na karaniwang itinatayo ngayon ng mga pribadong korporasyon sa enerhiya. Nasa P2.99 kada kilowatt-oras (kWh) lamang ang gastos sa kuryente kapag solar ang gamit, habang PHP3.50/kWh naman kapag hangin ang gamit. Malaking mura ito kumpara sa paggamit ng karbon o coal na may presyong PHP3.80–5.50/kWh, o sa imported na diesel na umaabot sa PHP15–28/kWh. (Tingnan ang Talahanayan 2.) Hindi na rin bumibili ng panggatong tulad ng langis, diesel, o coal ang mga pribadong kumpanya upang paganahin ang kanilang mga planta, dahil tuloy-tuloy at libre ang suplay ng rekurso tulad ng hangin at araw.

Source: IEEFA/BNEF
Kung kaya ito ang paborito ngayon ng gobyerno at ng mga monopolyong korporasyon sa enerhiya tulad ng MERALCO at First Gen ni Manny Pangilinan, ng Aboitiz Power ng mga Aboitiz, San Miguel Global Power ni Ramon Ang, Prime Infrastructure ni Enrique Razon, at ACEN ng mga Ayala. Sinasabi ng mga korporasyon na magpapababa ito ng singil sa kuryente. Sa ilalim ng Philippine Energy Plan 2023–2050 ng gobyernong Marcos Jr., layunin nitong pataasin ang suplay ng kuryenteng nagmumula sa RE hanggang 35 porsyento sa 2030 at 50 porsyento sa 2050. Sa kasalukuyan, tumaya ang DOE sa 16,337 MW na solar farm at 5,377 MW ng wind farm na proyekto sa buong bansa — lahat ng ito ay pag-aari ng mga pribado at dayuhang korporasyon.
Bakit hindi bumababa ang singil sa kuryente?
Kung mura ang teknolohiyang RE, bakit patuloy pa ring tumataas ang singil sa kuryente? Bakit hindi nakikinabang dito ang mga mahihirap at maliliit na konsumer? Sa kasalukuyan, nagbabayad ang mga konsumer ng P13 hanggang PHP16 kada kWh sa mga distributor ng kuryente. Ang Pilipinas ngayon ang may pinakamahal na singil sa kuryente sa Asya, habang isa naman ito sa mga bansang may pinakamababang minimum wage sa rehiyon. Mahal na ang kuryente, mababa pa ang kita ng mga ordinaryong pamilyang Pilipino.
Kailan lamang pinayagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang MERALCO na magdagdag ng singil sa kuryente. Kalakip dito ang pagtaas ng FIT-All (Feed-in Tariff Allowance) mula P0.2011 patungong P0.3359 kada kWh. Ayon sa batas, garantisado ng gobyerno ang pagbayad sa mga korporasyon para sa kanilang mga proyektong RE sa loob ng 20 taon — dagdag na mabigat na pasanin sa mamamayan sa loob ng dalawang dekada.
Hindi pa rito natatapos ang pangongotong ng mga kumpanya sa elektrisidad. May nakaambang dagdag na singil sa tinatawag na GEA-All o Green Energy Auction Allowance, na nagpopondo sa mga inaprubahang proyektong RE ng gobyernong Marcos — ilan sa mga ito ay nabanggit na sa itaas. Ibig sabihin, ang mamamayan mismo ang pinagkukuhanan ng puhunan para sa pagtatayo ng mga bagong proyektong RE. Mamamayan ang magpopondo sa mga proyektong ito, at sisingilin pa tayo ng mahal na presyo ng kuryente. Ginigisa tayo sa sarili nating mantika!
Tubong lugaw
Ayon sa mga taunang ulat ng mga kumpanya, kumita ang MERALCO ng P38 bilyon, P45.86 bilyon, at P51.13 bilyon noong 2023, 2024, at 2025, ayon sa pagkakasunod-sunod. Samantala, kumita naman ang San Miguel Global Power ng P9.9 bilyon, P40.9 bilyon, at P48.3 bilyon sa parehong mga taon. (Tingnan ang Talahanayan 3.) Dalawang kumpanya na kumita ng daan-daang bilyong piso mula sa hirap at pawis ng milyun-milyong mahihirap na mamamayan!
Ibig sabihin, hindi ang pagmura ng teknolohiya sa enerhiya ang sagot sa pagmura ng singil sa kuryente. Ang nagtatakda ng presyo o singil sa kuryente ay kung sino ang nagmamay-ari ng mga planta ng enerhiya at kumukontrol sa industriya ng elektrisidad. Ang ganitong kalakaran ay legal at pinoprotektahan ng batas ng gobyerno tulad ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA. Tinitiyak ng batas na nasa pribado hindi sa publiko ang kontrol ng industriya ng kuryente sa bansa.
Suplay
Mahigit kalahati ng suplay ng kuryente sa bansa ay monopolisado lamang ng tatlong pribadong kumpanya — Aboitiz Power, San Miguel Global Power, at First Gen. Ang limang pinakamalalaking kumpanya ng pamilyang Aboitiz, Ang, Lopez, Ayala, at Pangilinan ay kumukontrol sa 68.3 porsyento ng kabuuang suplay ng kuryente sa bansa. Halos wala nang sariling suplay ng kuryente ang gobyerno.
Transmisyon
Ang kaisa-isang pambansang pasilidad sa transmisyon ng kuryente ay ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP. Pag-aari ito ng pamilyang Sy at Coyiuto, kasosyo ang korporasyong Tsino na State Grid Corporation of China o SGCC. Tinitiyak ng gobyerno na kikita ang NGCP ng humigit-kumulang 11.9 porsyento at hindi malulugi kada taon sa kanilang operasyon sa transmisyon ng kuryente. Mula 2016 hanggang 2022, kumita ang NGCP ng P336 bilyon; mula 2023 hanggang 2027 naman, tiyak na kikita sila ng P380 bilyon. Tubong lugaw ang kinikita ng mga pribado at dayuhang korporasyong ito.
Distribusyon
Ang pinakamalaking distributor ng kuryente ay ang MERALCO. Monopolisado nito ang pagbebenta ng kuryente sa 8.1 milyong kustomer sa 38 lungsod at 83 munisipyo sa Metro Manila at mga katabing probinsya. Samantala, may kontrol ang Aboitiz sa tatlo sa anim na pinakamalalaking distributor sa bansa — ang Visayan Electric Company (VECO), Davao Light, at Cotabato Light — na nagbebenta ng kuryente sa humigit-kumulang 1.05 milyong kustomer sa Visayas at Mindanao. Masasabing ang dalawang pinakamalaking kapitalista sa distribusyon ng kuryente ay kumukontrol sa halos siya. na milyong pamilyang umaasa sa serbisyong ito sa buong bansa.
Ano ang dapat nating gawin?
Sa isang lipunang bansot at atrasado ang ekonomiya, laging nasa kamay ng pribado at dayuhang kapital ang kontrol sa iba’t ibang industriya tulad ng enerhiya at kuryente. Habang kumakamal ng limpak-limpak na bilyong piso ang mga korporasyon, ang mga mamamayan naman ay nasasadlak sa patuloy na pagmahal ng serbisyo at singil sa kuryente. Hindi napapakinabangan ng bansa at ng mamamayan ang modernong teknolohiya tulad ng solar at wind power. Mananatiling mahal, pabigat, at pahirap sa masa ang serbisyo sa kuryente hangga’t sinusulong ng gobyerno ang kapakanan at interes ng mga pribadong korporasyon. Kung wala kang pambayad, wala ka ring matatanggap na serbisyo — ito ang negosyo at mapagsamantalang kaayusan ng industriya ng kuryente sa bansa. Ngunit hindi tayo dapat manatiling nakadepende sa sistemang ito. Bilang mga tanggol kalikasan at siyentista ng bayan, kailangan nating lumubog sa mga komunidad upang ipalaganap ang mga community-based solutions: solar panels sa mga tahanan at paaralan, micro hydro power systems sa mga ilog, at iba pang inisyatiba ng mamamayan.
Kasabay nito ang mga pagpapanawagan sa pagbabasura ng batas ng EPIRA na nagsusulong ng pribatisasyon sa industriya ng kuryente. Iginigiit natin na dapat isabansa ang MERALCO at iba pang mga supplier, at ng buong industriya ng enerhiya. Kailangan nating itaguyod ang pambansang industriyalisasyon na magreresolba sa daang taong pagka-atrasado ng ating ekonomiya na laging naka-asa sa dayuhang kapital at produkto. Kasabay nito, kailangang ipaglaban ang mga reporma upang maibsan ang pagpapahirap sa mga konsumer at mamamayan — tulad na lamang ng pagbaba ng singil sa kuryente. Dapat nating igiit ang pagtanggal ng VAT at ang pag-alis ng system loss charge sa singil sa kuryente, na dapat sagutin ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya sa enerhiya, hindi ng konsumer.
Subalit magiging kapos ang mga kampanya o laban na ito kung walang radikal na pagsisikap para sa sistematikong pagbabago sa sistema ng lipunan. Hangga’t ang gobyerno ay isang burukrasyang naglilingkod sa kapital at negosyo, sa interes ng mga korporasyon at dayuhan, at hangga’t ang mga batas at patakaran ay para sa pribatisasyon ng mga industriya at hindi para sa pambansang industriyalisasyon, maliit ang makukuhang reporma mula sa mga pagsisikap na ito na magpapababa sa presyo ng kuryente at magsusulong ng teknolohiyang RE. Hindi mangyayari ang mga ito nang walang pagkilos at paglaban ng masa.
Para sa isang progresibong ekonomiya at maunlad na industriya ng kuryente, kinakailangan ang isang sistemang panlipunan na ganap na malaya sa kontrol ng dayuhan at ng mga pribadong korporasyon, at isang gobyernong tunay na pinamamahalaan ng mamamayan at para sa mamamayan. Malakas dapat nating ilaban ito kasabay ng ating kampanya para sa reporma sa industriya ng kuryente sa bansa.
The post Labnotes | Ang kontradiksyon ng renewable energy transition sa Pilipinas appeared first on Bulatlat.
From Bulatlat via This RSS Feed.


