Paralisado ang kalahating katawan pababa ng 7-buwang buntis na myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na si Arnida Cuaton Maguiguilid (Ka Lovi/Fikong/Yassy) matapos siyang barilin ng mga ahente ng militar sa Barangay Visayan, Tagum City, noong Setyembre 19. Binaril si Manuiguilid sa kabila ng kanyang katayuan na hors de combat o wala sa katayuang lumaban habang naka-medical leave. Matapos nito ay inaresto siya at pinalalabas na “sumurender” sa pwersang militar.

Si Maguiguilid ay nasa Tagum City para sa regular na tsek-ap at mabigyan ng atensyong medikal ang kanyang kumplikadong pagbubuntis. Mayroon siyang sakit na diabetes at highblood pressure. Binabantayan ring mabuti ang kanyang pagbubuntis laluna at dumanas siya ng pre-eclampsia (pagmamanas) sa nauna niyang dalawang panganganak, na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang unang sanggol.

Sa ulat ng National Democratic Front-Far South Mindanao Region (NDF-FSMR), noong Agosto pa lumabas sa yunit ng BHB si Maguiguilid para sa kanyang medical leave. Tinulungan siya ng mga indibidwal na nakikismpatya sa kanyang kundisyon at nanatili sa isang boarding house sa Tagum City.

Pauwi si Maguiguilid ng alas-6 ng gabi noong Setyembre 19 mula sa isang mall at papasok sa geyt ng kanyang tinutuluyang bahay nang bigla siyang barilin ng hindi nakilalang mga indibdwal. Natumba siya sa kalsada dahil sa tama ng bala sa likod at naisugod sa ospital ng kanyang kasama sa bahay.

Inaresto siya sa ospital ng mga pwersa ng estado at noong Setyembre 24 ay inianunsyo ng 603rd IBde at 6th ID ang kanyang “pagsurender,” kasabay ng hinabing kwento na binaril siya ng mga Pulang mandirigma ng BHB. Kasunod nito ay dinala siya ng lokal na gubyerno ng ng South Cotabato, Philippine Army at Philippine National Police sa isang ospital sa Koronadal City.

“Gawa-gawang kwento ito ng berdugong Armed Forces of the Philippines (AFP) para tabunan ang kanilang paglabag sa karapatang-tao ni Arnida, na may espesyal na proteksyon bilang isang babae at buntis alinsunod sa internasyunal na batas sa digmaan at pagrespeto sa kanyang indibidwal na karapatan,” pahayag ni Kim Montiza, tagapagsalita ng NDF-FSMR. Dagdag ng grupo, ang pagpapalabas ng militar na “sumurender” si Maguiguilid ay taktika para tahasang pagkaitan siya ng kanyang mga karapatan.

Ayon sa Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974, isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang belligerent sa kasagsagan ng operasyong militar nito (Bilang 5).”

Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng mga kinatawan ng Gubyerno ng Pilipinas at NDFP noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands. Nakasaad dito na dapat igalang ang karapatan ng mga nalagay sa katayuang hors de combat dahil sa sakit, sugat o anumang dahilan.

Alinsunod sa Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 1 ng CARHRIHL: “Ang mga taong wala sa katayuang lumaban (hors de combat) at yaong hindi tuwirang kalahok sa mga hostilidad ay may karapatan sa paggalang sa kanilang buhay, dignidad, mga karapatang pantao, mga paniniwalang pampulitika, at moral at pisikal na integridad, at pangangalagaan sa lahat ng sirkunstansya at makataong itatrato nang walang pagtatangi batay sa lahi, kulay, paniniwala, kasarian, kapanganakan, katayuang panlipunan o anumang katulad na pamantayan.”

Ayon sa NDF-FSMR, hindi nahihiwalay ang kaso ni Maguiguilid sa maruming kontra-insurhensyang gera ng AFP, CAFGU at Philippine National Police sa rehiyon. Nagaganap umano ang pinakabrutal na krimen ng mga pwersa ng estado tuwing naglulunsad sila ng focused and sustained military operation sa mga komunidad. “Ang palaging biktima ay ang batayang masang magsasaka, setler, Moro at iba pa,” ayon kay Montiza.

The post Nagpapa-ospital na buntis na Pulang mandirigma, binaril at inaresto ng militar sa Tagum City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.