Kinundena ng Katungod-Sinirangan Bisayas ang dalawang buwan nang panliligalig at pananakot ng mga sundalo ng 93rd IB sa isang pamilya ng magsasaka sa Leyte. Noong Setyembre 22, sinamahan ng grupo at ng National Union of People’s Lawyers-Eastern Visayas ang pamilya Lagado mula sa bayan ng Jaro para maghain ng reklamo laban sa mga sundalo sa panrehiyong upisina ng Commission on Human Rights (CHR).
Ayon sa ulat ng pamilya, nililigalig at kinukuha ang kanilang personal na impormasyon ng mga sundalo ng 93rd IB sa ilalim ng pamumuno ng nagpakilalang Cris Rivera at Simon. Ang 93rd IB ay pinamumunuan ng kumander na si Lt. Col. Celeste Sayson. Kabilang sa mga tinarget at naging biktima ng panggigipit ang isang 3-taong gulang na bata at isang 16-taong gulang.
Unang dumanas ng panggigipit si Brenda Lagado, ang pinakamatanda sa siyam na magkakapatid ng pamilya Lagado. Noong Hulyo 28, binista ng dalawang lalaking nagpakilalang mga sundalo ang bahay ni Brenda. Pinilit siya ng mga ito na umamin na mayroon silang ugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Noon ding Hulyo, pinagbanataan ng pitong sundalo at pitong iba pang ahente ng estado ang kanyang 16-taong gulang na pinsan. Kinwelyuhan siya ng mga sundalo at hinampas ng kahoy. Ipinakita ng mga sundalo sa kanya ang kanilang armas at sinabing “marami nang napatay ang baril na ito.” Binantaan rin siyang padadanasin ng tortyur sa pamamagitan ng pangunguryente at pagbitay.
Noong Agosto 11, isang nagpakilalang Cris Edison Rivera ang kumausap sa guro ng 3-taong gulang na anak ni Brenda. Tinanong siya tungkol sa pamilya Lagado at iba pang pribadong impormasyon kaugnay nila.
Nitong Setyembre, nakatanggap si Brenda ng sulat na may pagbabanta sa kanyang buhay at kaligtasan, gayundin sa kanyang asawa at anak, kung hindi sila makikipagtulungan sa militar. Pinipilit siyang umamin na tagasuporta ng BHB at kung tumanggi ay sasampahan ng kaso o gagawa nang paraan para ipa-deport ang kanyang asawang overseas Filipino worker.
“Inilalantad ng insidenteng ito ang kabulukan ng mga hakbanging kontra-insurhensya sa rehiyon: tinatarget ng militar ang mga inosenteng magsasaka at bata,” pahayag ng Katungod-Sinirangan Bisayas. Pagdidiin ng grupo, ang ginagagawa ng militar ay malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas o IHL. Dapat umanong kilalanin ng militar at igalang ang prinsipyo ng “distinction” o pag-iiba sa mga armadong kombatant at sa mga sibilyan.
Anang grupo, patuloy nilang susubaybayan ang mga insidenteng ito at gagawa ng kinakailangang mga ligal na hakbang para mapanagot ang mga abusadong tauhang militar. Nanawagan rin ang grupo sa CHR na agarang kumilos at imbestigahan ang panliligalig ng militar at magsagawa ng mga hakbang para maprotektahan ang pamilya Lagado.
“Nananawagan kami na wakasan na ang militarisasyon sa mga komunidad,” pagtatapos ng grupo.
The post Panliligalig at pananakot ng 93rd IB sa pamilya ng magsasaka sa Leyte, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

