Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA, International League of People’s Struggles (ILPS)-US at International Commission for Human Rights in the Philippines (ICHRP)-US, naglunsad ang mga progresibong grupo at alyado nito nang isang linggong pagkilos mula Setyembre 20 hanggang 27, bitbit ang temang “No to war and plunder! Fight for People’s Rights, National Sovereignty, and Genuine Development!” bilang pagtutol sa UN General Assembly (UNGA) habang nasa High Level General Debates.
Ang isang linggong sesyon ng UNGA ay pagtitipon ng mga kasaping estado upang ihayag ang kanilang mga paninindigan tungkol sa digmaan, artificial intelligence, at pagbabago ng klima.
Dumalo sa UNGA sina DFA Secretary Tess Lazaro, DENR Secretary Juan Miguel Cuna, at Ambassador Jose Manuel Romualdez bilang kinatawan ng Pilipinas. Lumahok sila sa isang closed-door na roundtable discussion tungkol sa ASEAN na may pamagat na “The Next Engine of the Global Green Economy,” kung saan paksa ang green finance, energy transition, at sustainable supply chains.
Nagsimula ang isang linggong pagkilos sa US-wide launch ng Shut Down Pax Silica Campaign Network noong Setyembre 20. Nasa mahigit 500 katao ang lumahok sa New York City, online at sa mga watch party sa iba’t ibang panig ng bansa. Binubuo ang network ng 45 organisasyong tumututol sa Pax Silica dahil sa epekto nito sa pagkasira ng kalikasan at pagsasamantala sa mahihirap sa ibang mga bansa.
Ibinahagi ng mga tagapagsalita sa aktibidad mula sa Agham, Friends of the Congo, Countermapping Network PH, at Nodutdol ang mga epekto ng Artificial Intelligence (AI) at mga supply chain ng teknolohiya sa iba’t ibang panig ng mundo, gayundin ang pandaigdigang banta ng Pax Silica, kung saan itinuturing ang Pilipinas bilang “ground zero” ng inisyatiba.
Noong Setyembre 22, mahigit 150 katao mula sa iba’t ibang organisasyon ang nagmartsa mula Dag Hammarskjöld Plaza patungo sa Konsulado ng Pilipinas sa New York upang iprotesta ang ika-81 sesyon ng UNGA. Inilunsad ang protesta matapos magbigay ng talumpati si US President Donald Trump na nagtatanggol sa gyera ng US laban sa Iran at nagyabang hinggil sa lakas militar ng US at papel diumano ng gubyerno ng US bilang “tagapamagitan” sa mga pandaigdigan hidwaan”. Inudyok din niya ang mga bansa na umalis sa International Criminal Court.
“Ang retorika ni Trump ay senyales ng kahinaan at lalong lumalalang kapinsalaan ng imperyalismong US. Nilantad ng Iran ang mga bitak sa sistemang ito sa pamamagitan ng matagumpay na pagtatanggol sa kanilang soberanya laban sa agresyon ng US. Dapat tayong tumindig kasama ang Iran laban sa panggegera at pandarambong ng US,” pahayag ni Tino Valen, tagapangulo ng ILPS-US.
Kinundena ni Frente Unido de Inmigrantes Ecuatorianos, isang organisasyon ng mga migranteng Ecuadorian, ang pagbawas sa pondo sa mga serbisyong sosyal, kabilang ang serbisyong medical at mga benepisyo upang madagdagan ang pondo para sa gyera.
“Pangulong Trump, hindi mo pwedeng kunin ang aming mga buwis upang pondohan ang mga digmaan. Ang pera ay dapat gamitin upang mapabuti ang aming buhay, hindi upang pondohan ang kamatayan,” paliwanag ni Antonio Arizaga, myembro ng grupo.
Ipinaliwanag naman ni Yerim Choi ng Nodutdol ang epekto ng lumalawak na presensya militar ng US sa buong mundo at nagbabala laban sa pamimilit ng US sa South Korea na magpadala ng mga tropa sa Strait of Hormuz bilang suporta sa digmaan nito sa Iran.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na magpapadala ng mga tropa ang South Korea para sa US. Nangyari ito sa Vietnam, kung saan nagpadala ang South Korea ng mahigit 320,000 tropa, at muli noong 2003, nang magpadala ang South Korea ng mga tropa sa Iraq. Ang mamamayang Koreano ay nakikibaka ngayon upang hindi na maulit ang pagkakamaling ito,” paliwanag ni Choi.
“Hindi namin hahayaang diktahan ni Trump at ng imperyalismong US ang kinabukasan ng Korea, ang inyong kinabukasan, at ang ating kinabukasan,” dagdag ni Choi.
Habang isinasagawa ang protesta, kinompronta ng mga Pilipino sina Philippine Ambassador Romualdez at Philippine Consulate General in New York (PCGNY) Assistance to Nationals (ATN) Officer Rovald Valdez. Ayon sa mga grupo, nais nilang managot ang mga upisyal sa pagpapabaya sa mga migranteng manggagawa at ang kabiguan nitong makapagbigay ng kinakailangang Assistance to Nationals o ATN services. Kinundena din ng grupo ang pagsisinungaling ni Valdez sa publiko hinggil sa kalagayan ng mga migranteng manggagawa na idinetine ng ICE.
Panawagan ng mga grupong Bayan, ILPS at ICHRP sa US ang agarang pagpapalaya kay Christina Pasion, paglulunsad ng independyenteng imbestigasyon sa Toboso Massacre, agarang pagpapalaya sa lahat ng nakakulong ng mga Pilipino sa US, pagtigil sa panggigipit sa mga nagtatanggol sa karapatang-tao at pagbabasura sa Pax Silica.
The post Isang linggong pagkilos laban sa UN General Assembly, inilunsad sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

