Nagpataw ang mga upisyal ng Zionistang Israel ng 1-linggong “kumprehensibong pagsasara” sa okupadong West Bank simula Setyembre 27. Tatagal ang pagsasara sa mga border papasok at palabas ng teritoryo, mas mahigpit na mga tsekpoynt at restriksyon, at saradong mga daanan hanggang Oktubre 3.

Ginagamit na pagdadahilan sa mga paghihigpit ng Zionistang estado ang pagdiriwang ng Sukkot ng mga Jewish o kilala rin bilang Feast of Tabernacles. Higit na nilimitahan ng patakaran ang dati nang kontrolado at limitadong pagkilos ng mga Palestino sa okupadong teritoryo. Nirerekisa nila ang mga sasakyan at ID ng mga dumaraan.

Sa tala ng Colonization and Wall Resistance Commission (CRRC) noong Setyembre 25, mayroong hindi bababa sa 942 tsekpoynt, imbudo ng pagsasara at harang sa buong okupadong West Bank. Lumaki ang bilang na ito kung ikukumpara noong Marso 2024 na nasa 793.

Para lalo pang patindihin ang mga pag-atake, ipinahayag ang minister sa pinansya ng Israel na si Bezalel Smotrich ng Israel na dapat “gerahin” ng Israel ang okupadong West Bank at itulad sa “ginawa nito sa Gaza.” Itinutulak niya ang pagbuwag sa Palestian Authority na siyang nangangasiwa sa okupadong teritoryo.

Tugon niya ito sa sinasabing mga tensyon sa seguridad sa teritoryo sa nagdaang mga buwan. Pinalalabas ng upisyal na ang karahasan sa West Bank ay isinasagawa ng mga Palestino gayong mga mananakop na Israeli na setler ang naghahasik ng takot sa lugar.

Sa datos ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), mayroong 1,330 mga pag-atake laban sa mga Palestino na kagagawan ng mga setler sa unang hati ng 2026. Sa abereyds, naitatala ang anim na kaso sa isang araw na pinakamataas na tantos sa nagdaang 20 taon.

Umigting ang pangkalahatang atake sa mga Palestino sa West Bank kasabay ng kampanyang henosidyo ng Zionistang estado ng Israel sa Gaza Strip mula Oktubre 7, 2023. Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa 1,206 Palestino kabilang ang 254 mga bata ang pinatay ng Zionistang Israel sa loob ng tatlong taon. Naitala rin ang 13,350 nasugatan at 24,600 ang mga inaresto.

The post Zionistang estado ng Israel, nagpataw ng 1-linggong “kumprehensibong pagsasara” sa okupadong West Bank appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.