Nanawagan ang Kabataan Party-list (KPL) sa kabataang Pilipino na patuloy na batikusin at singilin ang rehimeng Marcos sa pagpapaliban nito sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Pinalawig ni Marcos ang termino ng mga upisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan tungong limang taon, na epektibong nagsuspinde sa pagsasagawa ng BSKE sa Nobyembre 2026 tungong Nobyembre 2028.
Ang Republic Act No. 12326 (Act Fixing the Term of Office of Barangay Officials and Members of the Sangguniang Kabataan to Five Years) ay pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr noong Setyembre 24. Inihabol itong mapirmahan ni Marcos bago ang pagsisimula ng pagsusumite ng Certificate of Candidacy para sa BSKE noong Setyembre 28.
Sa Senado, naipasa ang panukalang batas noong Setyembre 14 kung saan lima lamang ang tumutol. Sinundan ito ng niratsadang pagpapasa sa House of Representatives ng katulad na bersyon ng sa Senado kung saan 13 ang tumutol.
Matatandaan na nauna nang ipinagpaliban ang nakatakdang BSKE noong Disyembre 2025 tungong Nobyembre ngayong taon. Ginamit na dahilan sa pagpapaliban ang sinasabing paghahanda para sa eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Oktubre 2025, na ipinagpaliban rin tungong Setyembre ngayong taon. Mula 2005, pitong beses nang naitala ang pagpapaliban sa BSKE.
“Ang karagdagang panahon sa panunungkulan ay karagdagang panahon para kumapit sa kapangyarihan, lalo na kung walang malinaw na batayan para ipagpaliban ang halalan. Kunwari pang term extension lang ang ginagawa, pero BSKE postponement ang totoong habol,” pahayag ni Kabataan Rep. Atty. Renee Co, isa sa mga bumoto kontra sa panukalang batas.
Aniya, malaking palusot lamang ang pagsasabing hindi handa ang gubyerno para sa BSKE dahil sa dinaranas na iba’t ibang krisis. Ikinumpara pa ito ni Co sa naisagawang BSKE noong 2023 sa kabila ng dinaranas ding krisis ng bansa. “Sabi nga ng COMELEC, gumastos na sila ng milyones sa paghahanda para sa paparating na eleksyon. Para saan pa ang lahat ng iyon kung hindi lang pala ito matutuloy?” aniya.
“Muli na namang ninanakaw ng isang Marcos ang halalan mula sa mamamayan at kabataang Pilipino. Muli na namang nilalabag ang ating demokratikong karapatan na maghalal ng mga kinatawan sa pinakalokal na antas ng gobyerno,” pahayag ni Co.
Isinusulong ni Co at ng mga kasama niya sa Makabayan Bloc sa House of Representatives ang pagsasagawa ng BSKE sa darating na Nobyembre. “At kung hindi talaga, itutuloy pa rin ng taumbayan at ng kabataan ang paniningil at pagpananagot, mula sa baba hanggang sa tuktok,” aniya.
Samantala, nagsumite ng petisyon ang mga abugado sa pangunguna ni Atty. Romulo B. Macalintal sa Korte Suprema noong Setyembre 27 para ipadeklarang hindi konstitusyunal ang pagsasabatas ng pagpapaliban sa BSKE 2026. Hiniling ni Macalintal na maglabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO) para ipatigil ang pagpapatupad ng batas.
Dagdag rito, hiniling rin niyang atasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang mga paghahanda para sa BSKE sa Nobyembre para matiyak ang isang “malinis, matapat at mapagkakatiwalaang eleksyon.” Hiniling rin sa petisyon na sakaling hindi maisasagawa ang BSKE sa Nobyembre 2 ay itakda ang petsang malapit sa araw na iyon.
Pinangalanan bilang mga respondent sa petisyon ang Office of the President sa pamamagitan ng Executive Secretary, ang Senate, ang House of Representatives, at ang Comelec.
The post Pagpapaliban sa eleksyon sa barangay at sangguniang kabataan, pagnanakaw ni Marcos sa karapatang bumoto appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

