Tinuligsa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang paggamit ng 93rd IB sa anak ng isang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Eastern Visayas para magpasuko. Ayon sa NDFP, paglabag ito sa karapatang-bata at internasyunal na makataong batas (international humanitarian law o IHL).

Ang 7-taong gulang na batang babae ay anak ng Pulang mandirigma na si Erwin Maceda (Ka Romnik) na namartir noong Setyembre 8 sa Baybay City, Leyte at ng isa pang aktibong babaeng Pulang mandirigma. Sa pagkamatay ni Ka Romnik, ginamit ang bata sa pakana at pahayag ng 93rd IB para siraan ang katauhan at kagitingan ng kanyang ama bilang mandirigma at martir ng bayan.

Hindi pa nasapatan, noong Setyembre 17 ay inilabas ng 93rd IB ang mga larawan ng isinagawa nitong “birthday party” para sa kaarawan ng bata. Kasabay nito ang isang ultimatum at panawagang sumuko sa kanyang ina. Sa isinagawang “pagdiriwang” sa kaarawan ng bata sa bayan ng Kananga, ipinarada ng 93rd IB sa Facebook ang kanyang pangalan at mga larawan.

Ayon sa tagapagsalita ng NDF-Eastern Visayas na si Ka Celine Manlimbasog, ang mga hakbang na ito ng 93rd IB, sa pangunguna ng kumander na si Lt. Col. Celeste Sayson, ay mula sa “playbook” ng National Task Force-Elcac. “Lubha naming kinukundena ang mga atakeng ito ng 93rd IB sa mga bata at menor-de-edad,” aniya.

Nagsalita rin laban sa mga hakbang ng batalyon ang NDFP Special Office for the Protection of Children (SOPC). Ayon kay Coni Ledesma, pinuno ng naturang upisina, dapat mahiya ang 93rd IB sa paggamit sa isang bata para magpasuko ng aktibong myembro ng BHB.

“Ang paglalabas sa pagkakakilanlan ng bata at paggamit ng mga litrato ng kanyang kaarawan para sa layuning militar ay epektibong ginagawang sandata ang kanyang katayuang sibilyan at isang malubhang paglabag sa IHL,” pahayag ni Ledesma. Dagdag niya, ang isinagawang “birthday party” ay isang sikolohikal na atake na katumbas na ng pag-hostage sa bata.

“Sa ilalim ng Geneva Conventions, ang mga bata ay may absolutong karapatan para sa ‘espesyal na pagrespeto at proteksyon’” ayon kay Ledesma. Pagpapaliwanag pa niya, ang mismong pagpunta at pagpasok ng militar sa bahay ng bata ay naghahatid ng mensahe na target ng militar ang sibilyang komunidad na lumalabag sa prinsipyo ng distinction o pag-iiba sa mga armado at sibilyan, laluna sa mga bata.

Nanawagan si Ledesma sa publiko at mga tagapagtaguyod ng karapatang-bata na kundenahin ang mga karumal-dumal na gawaing ito ng 93rd IB at ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng pamumuno ng kanilang punong kumander na si Ferdinand Marcos Jr. “Walang lugar ang paggamit sa mga bata bilang pain sa mga operasyong saywar—ito ay isang hangganan na kapag nilabag, ay dapat salubungin ng ganap na pagkundena at paglaban,” aniya.

Magsasampa ng reklamo ang NDFP SOPC kaugnay ng naturang kaso sa United Nations Convention on the Rights of the Child, International Committee of the Red Cross at iba pang katulad na intergovernmental body.

The post Paggamit ng 93rd IB sa anak ng Pulang mandirigma para magpasuko, kinundena ng NDFP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.