Mariing binatikos ng Karapatan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pambabanta nitong magpataw ng mabibigat na parusa sa mga drayber ng dyip na lalahok sa dalawang araw na pambansang tigil-pasada ngayong Setyembre 29-30.
Banta ng LTFRB na patawan ng multang nagkakahalaga ng ₱5,000 hanggang sa tuluyang pagkansela ng prangkisa ng mga magwewelga.
Ikinasa ng Piston ang tigil-pasada para igiit ang pagbaba ng presyo ng diesel tungong ₱55 kada litro, pagtanggal ng excise tax at Value-Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, at pagbasura sa pahirap na Oil Deregulation Law. Ayon sa mga drayber, ang ₱1 dagdag-pasahe ay barya lamang kumpara sa higit ₱100 kada litrong presyo ng langis. Sa ngayon, kumikita na lamang sila ng ₱200 hanggang ₱300 kada araw, mas mababa pa sa napakababa nang sahod ng mga manggagawa.
Binigyang-diin ni Atty. Maria Sol Taule, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan, na ang ginagawa ng gubyerno ay patunay ng kawalan ng malasakit sa naghihirap na mamamayan.
“Ang karapatang magprotesta ay hindi pribilehiyo na maaring ibigay o bawiin ng gubyerno ayon sa gusto nito. Isa itong pundamental na karapatan sa malayang pagpapahayag,” ayon ka Taule. Aniya, ang patuloy na pagkolekta ng gubyerno ng daan-daang bilyong piso mula sa VAT at excise tax sa gitna ng krisis ay patunay na nabubuhay ito sa pagdurusa ng taumbayan.
Nanawagan ang Karapatan sa mga Pilipino na tumindig kasama ang mga drayber at huwag matakot sa mga banta ng multa at kanselasyon ng prangkisa. Nanindigan ito sa kanilang karapatan na magsalita at magprotesta laban sa mga patakaran na pumipinsala sa kanilang kabuhayan at para sa makabuluhang ginhawa sa gitna ng krisis sa ekonomya.
The post Pasistang banta ng LTFRB laban sa nagpuprotestang mga drayber, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

