Nagdeklara ng buong suporta ang mga grupo ng kabataan at estudyante ng Panay Island sa ikakasang welgang transportasyon ng mga tsuper at opereytor ng dyip sa Iloilo sa darating na Setyembre 29-30. Ang welgang transportasyon ay tugon ng mga tsuper at opereytor sa walang tigil na pasirit ng presyo ng petrolyo at kaakibat nitong krisis sa ekonomya.

Sa nagdaang tatlong linggo, tumaas nang ₱18.31/litro ang diesel, ₱15.25/litro ang gasolina, at ₱16.67/litro ang kerosene. Sa kasalukuyan, nag-aabereyds ng ₱105.93/litro ang diesel, ₱92.43/litro ang gasolina at ₱153.12/litro ang kerosene.

Sa Iloilo City, magiging sentro ng welgang transportasyon ang Jaro Plaza. Ang pagkilos sa prubinsya ay kaugnay rin ng panawagan sa welga ng pambansang upisina ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Manibela.

Sa pangunguna ng Western Visayas Youth and Students Alliance, naglabas ng nagkakaisang pahayag ng pagsuporta sa welga ang kabataan at estudyanteng Panayanon. “Sa kritikal na sandaling ito, ang mga suliranin ng mga manggagawa sa transportasyon at ng karaniwang Panayanon ay hindi mapaghihiwalay sa suliranin ng kabataan,” ayon sa pahayag ng mga grupo.

Idiniin nila na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nakaaapekto sa gastusin sa transportasyon, pagkain, edukasyon, produksyon, at iba pang pangunahing pangangailangan. “Ang pakikiisa ng kabataang Panayanon sa gayon ay nakaugat sa kapwa natin pagkilala sa mga paghihirap na dinaranasa ng mga manggagawa sa transporasyon, mga komyuter, manggagawa, estudyante, at mga komunidad sa gitna ng patuloy na krisis sa gastusin sa pamumuhay,” anila.

Suportado nila ang anim na batayang panawagang dadalhin ng mga tsuper at opereytor sa mga araw ng welga. Panawagan sa welga ang pagpapatupad sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa, ang ₱10 dagdag-pasahe sa mga tsuper ng dyip, at lahat ng dagdag pasahe sa ibang moda ng transportasyon. Panawagan rin nito na tanggalin ang VAT (value-added tax) at excise tax sa krudo at lahat ng pangunahing bilihin.

Giit nila na i-rolbak sa ₱55.00/litro ang presyo ng krudo, at itigil ang labis-labis na pagpipresyo ng mga kumpanya ng langis. Ipapanawagan rin ng welga ang pagbasura sa oil deregulation law, pagsasabansa sa industriya ng langis, pagwawakas sa gerang agresyon ng US sa buong daigdig.

Hinimok ng mga grupo ng kabataan at estudyante ang lahat ng Panayanon na suportahan ang welgang tranportasyon at lumahok sa mga protesta.

The post Kabataan at estudyante ng Panay, susuporta sa welgang transportasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.