inundena ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)-Panay ang Red-tagging sa mga pahayagang pangkampus sa online na aktibidad na isinagawa ng Philippine Information Agency (PIA) Region VI noong Setyembre 24. Sa aktibidad, biglang pinagsalita ng PIA ang sundalo ng Philippine Army at upisyal ng grupo ng mga “dating rebelde” na Buklod Kapayapaan Foundation Inc. (BKFI) na si Rey Christian Sabado at nagsagawa ng Red-tagging.
Sa talakayang ibinigay ni Sabado sa PIA Journtalks Webinar Series 2026, ni-red-tag niya ang mga demokratikong organisasyon ng kabataan at estudyante. Aniya, kabilang sa mga nagrerekrut para sa “komunistang kilusan” ang CEGP, National Union of Students of the Philippines, at mga organisasyong masa. Pinalalabas pa niyang kinokontrol ng mga organisasyon at institusyong ito ang mga konseho ng mag-aaral at pahayagang pangkampus.
Mahigit na nanindigan ang CEGP-Panay laban sa tinawag nitong malisyoso at walang-batayang mga akusasyon. “Ang pagsasabi na ang mga pahayagang pangkampus ay mga prente lamang para sa rekrutment ay isang tahasang insulto sa integridad, awtonomiya, at pinaghirapang legasiya ng malayang pamamahayag sa kampus,” pahayag ng grupo.
Kinwestyon rin ng grupo pagpapahintulot ng PIA Region VI kay Sabado na mang-red-tag at magkalat ng kasinungalingan. “Sa panahong naghihirap ang bansa dahil sa lumalalang korapsyon, laganap na kahirapan, patuloy na pagbawas sa badyet sa edukasyon, at sistematikong panunupil sa malayang pamamahayag sa kampus, bakit inuuna ng makinarya ng estado ang pagpapadala ng mga tagapagsalita na nangre-red-tag sa mga espasyo ng mga estudyante?” anito.
Nanawagan ang CEGP-Panay sa PIA at rehimeng Marcos na itigil ang ganitong mga taktika ng pananakot at paninindak sa mga kabataang mamamahayag. “Dapat ipaalala sa estado na ang pagsusulat tungkol sa pakikibaka ng ating mamamayan, mga isyu ng manggagawa, at kalagayan ng lipunan ay hindi produkto ng eksternal na rekrutment, kundi ng lantad nang sirang sistema na hindi namin ikukubli,” anito.
Hinimok ng grupo ang lahat ng mga pahayagang pangkampus at tagapagtaguyod ng demokrasya na magkaisa at labanan ang pasismo ng estado. Para hindi na maulit, kailangan umanong panagutin ang PIA at militar kaugnay ng Red-tagging sa isinagawang aktibidad.
“Walang anumang terorismong ipinapataw ng estado ang makapagtatahimik sa tinig na nakaugat sa katotohanan!” deklarasyon ng CEGP-Panay.
The post Red-tagging sa aktibidad ng PIA sa Panay, kinundena ng mga mamamahayag pangkampus appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

