Naghain ng mosyon ang mga manggagawang pangkalusugan, doktor at mga nars sa Professional Regulation Commission (PRC) para sa agarang imbestigasyon hinggil sa nagpapatuloy na di etikal at hindi propesyonal na pag-uugali ni Dr. Lorraine Marie T. Badoy. Bago nito, isinuspinde na ng komisyon ang lisensiyang medikal ni Badoy sa loob ng anim na buwan.

Noong Mayo 8, 2026, napatunayang nagkasala si Dr. Badoy sa paglabag sa Revised Code of Ethics of the Medical Profession at ipinataw ang anim na buwang suspensyon ng kanyang certificate of registration. Bawal siyang magsanay ng medisina sa panahon ng suspensyon.

Ilang araw matapos ipataw ang suspensyon, naglabas si Badoy ng mga paskil sa Facebook noong Hunyo 28, Hunyo 29, Hulyo 5 at Hulyo 7 kung saan muli niyang pinaratangan ang Alliance of Health Workers (AHW) bilang “prente ng CPP-NPA-NDF.” Nagpaskil din siya ng katulad na paratang sa mga iba’t ibang indibidwal, organisasyon, institusyon ng midya at sa mismong PRC.

“Ang pagpapatuloy ng ganitong mga pahayag sa kabila ng naging kautusan ng PRC ay nagdudulot ng seryosong pangamba kung ang aksyong pandisiplina ay sapat na naisakatuparan. Ang paulit-ulit na hayagang mga akusasyon laban sa aming organisasyon, mga indibidwal, mga institusyon ng midya, at maging laban sa mismong regulatory body ay nagpapakita ng pangangailangan para sa PRC na agarang tingnan ang mga naiulat na pahayag at alamin kung ito ay bumubuo ng karagdagang paglabag sa mga pamantayang nagbabalangkas sa propesyon ng medisina,” paliwanag ni Bonifacio Carmona Jr, pambansang pangulo ng AHW.

“Nag-aalala kami dahil alam nating lahat na ang Red-tagging ay hindi lamang usapin ng pampublikong mga paratang. Maaari itong magdulot ng panganib sa mga manggagawang pangkalusugan sa pamamagitan ng paglalantad sa kanila sa mga banta, panliligalig, at iba pang anyo ng pinsala, at maaari ring magdulot ng takot sa mga manggagawang pangkalusugan na nagsasalita hinggil sa mga isyung may kinalaman sa mga pasyente, komunidad, at sa pampublikong sistema ng kalusugan,” paliwanag ni Cristy Donguines, pangkalahatang kalihim ng AHW.

“Ang mga health worker ay nagtatrabaho sa labis na mahihirap na kondisyon. Kami ay pagod na pagod, mababa ang sahod, nahaharap sa kawalan ng seguridad sa trabaho, at madalas ay nagtatrabaho na kulang ang rekurso, ngunit patuloy pa rin naming pinaglilingkuran ang mamamayan nang may dedikasyon at habag. At sa kabila nito, kami ay hayagang tinatatakan bilang mga kaaway ng estado dahil lamang sa ginagawa namin ang aming trabaho at tumitindig para sa kapakanan ng aming mga pasyente,” dagdag ni Donguines.

“Para sa amin, hindi na ito simpleng usapin ng paulit-ulit na pahayag. Ang mga gawaing ito ay nagpapatuloy kahit matapos nang ipataw ng PRC ang isang sangsyong pandisiplina. Nananawagan kami sa PRC na kumilos sa mga naiulat na paglabag nang walang pagkaantala,” giit ni Donguines.

“Nananawagan kami sa PRC na itaguyod ang integridad ng propesyon sa medisina. Ang aming paglilingkod sa mga Pilipino ay hindi krimen, at hindi namin papayagang madaig ng takot ang aming tungkulin na pangalagaan, maglingkod, at magsalita para sa kalusugan at kapakanan ng mamamayan,” pahayag ng AHW.

The post Lorraine Badoy, muling inireklamo sa PRC appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.