Tatlong araw na welgang transportasyon ang ikakasa ng mahigit 1,000 tsuper at opereytor ng tradisyunal na mga dyip sa Bacolod City sa Setyembre 28-30. Tugon nila ito sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa na nagdudulot ng kawalan o mababang kita sa sektor.
Sa nagdaang tatlong linggo, tumaas nang ₱18.31/litro ang diesel, ₱15.25/litro ang gasolina, at ₱16.67/litro ang kerosene. Mula Enero, ₱59.06/litro ang netong itinaas ng diesel, ₱54.92/litro sa gasolina at ₱51.65/litro sa kerosene. Pinahintulutan ito ng Department of Energy ng rehimeng Marcos sa pagdadahilan ng paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado bunga ng panggegera ng imperyalismong US sa Iran.
Noong nakaraang linggo, nanawagan kapwa ang pambansang upisina ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Manibela ng welgang transportasyon para singilin ang gubyerno sa kainutilang tugunan ang krisis. Sa Bacolod City at katabing mga syudad at bayan, magkakasamang ilulunsad ng United Negros Drivers and Operators Center (UNDOC)-Piston, Kabacod Negros Transport Coalition (KNETCO) at BACOD Manibela ang welga.
Ayon sa mga grupo, magtitigil-pasada sila bilang pagbatikos sa kabiguan ng rehimeng Marcos na kontrolin ang presyo ng petrolyo na pinahihintulutan ng Oil Deregulation Law. Ayon sa KNETCO, umabot na sa 85% ng mga tsuper at opereytor sa Bacolod City ang nagkukulang ang kinikita sa araw-araw at natulak sa kahirapan.
Ipapanawagan rin nila ang pagtanggal ng rehimeng Marcos sa value-added tax at excise tax para mabawasan ang presyo ng petrolyo. Kasabay nilang iginigiit ang pagrolbak sa presyo ng diesel at gasolina sa dati nitong presyo na ₱55/litro.
Kabilang sa mga lalahok sa welga ang mga dyip na bumabyahe sa rutang Mansilingan, Handumanan, Bata, Punta Taytay, Shopping, La Salle, at Bata. Magkakaroon ng dalawang sentro ng welga ang mga grupo na ititirik sa Bata Flyover at Magsaysay Flyover. Ang mga dyip na bumabyahe sa labas ng Bacolod City tungong Talisay City at Silay City ay lalahok rin sa welga.
Hinimok ng Undoc-Piston ang mga komyuter na paghandaan ang araw ng welga at planuhin ang kanilang ruta. Ayon sa grupo, layunin rin ng welga na ipaunawa sa mga komyuter na apektado rin sila ng pagsirit ng presyo ng petrolyo tulad ng pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang batayang bilihin.
Lalahok sa welga ang mga grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros Island. Tutungo ang kanilang mga myembro sa mga ititirik na sentro ng welga para ipakita ang kanilang suporta sa mga panawagan ng sektor.
The post Mahigit 1,000 tsuper, opereytor ng dyip, kasado sa welgang transportasyon sa Bacolod City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

