Nagpahayag ng pagkabahala ang mga kabataan ng Cordillera sa naiulat na pagdagsa ng tropa at operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga bayan ng Luba at Villaviciosa sa Abra simula Setyembre 26. Nangangamba silang magdudulot ang operasyon militar ng mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Ayon sa Anakbayan-Cordillera, ang mga operasyong ito na isinasagawa sa tabing ng kaayusan at seguridad ay para bigyan-daan ang mga proyektong sasagasa sa lupaing ninuno at kabuhayan ng mamamayan. Itinutulak ng AFP ang pagtatayo ng 2,000-ektaryang military complex sa saklaw ng Luba, Villaviciosa at Pilar.

Kakamkamin ng kompleks ang mga lupang ninuno at sakahang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga komunidad. Dagdag rito, tahasang lalapastanganin ng base militar ang sobernya ng Pilipinas dahil gagawin itong himpilan ng dayuhang tropa.

“Matagal nang tumututol ang mga residente sa proyekto, na planong magsilbing panibagong himpilan ng AFP at mga dayuhang kaalyado nito,” ayon sa Anakbayan Cordillera.

Samantala, sa silangang bahagi ng Abra ay iiraratsada ng rehimeng Marcos ang pagsisimula ng operasyong mina ng Yamang Mineral Corporation (YMC) at Golden Lake Mineral Resources Inc (GLMR). Sasakupin ng operasyong mina ng YMC ang 16,000 ektarya ng lupa sa mga bayan ng Sallapadan, Licuan-Baay, Lacub, at Malibcong, habang mayroong aplikasyon ang GLMR para sa bayan ng Lacub.

“Sa halip na pakinggan ang pagtutol ng mamamayan, patuloy na ginagamit ng estado ang armadong pwersa nito sa mga lugar kung saan ipinagtatanggol ng mga komunidad ang kanilang lupain at kabuhayan,” ayon sa grupo.

Nanawagan ang Anakbayan Cordillera sa kabataan na ilantad at tutulan ang militarisasyon sa kanayunan at makiisa sa mga komunidad ng Abra sa pagtatanggol sa kanilang lupa, buhay, at karapatan.

Ang prubinsya ng Abra ay saklaw ng operasyon ng 50th IB at 98th IB sa ilalim ng direksyon ng 501st IBde. Tumatayong kumander ng 501st IBde si BGen. Darrel R. Bañez mula Hulyo.

The post Militarisasyon sa Abra, binatikos ng kabataan ng Cordillera appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.