Ibinasura ng Office of the Provincial Prosecutor sa Ilagan City ang tatlong magkahiwalay na kasong cyberlibel na isinampa laban kina Atty. Ellice Balgos at Atty. Fidel Santos, mga abogado na kumakatawan sa mga residenteng kontra-mina, at kay Lei Jin Dugay, isa sa mga lider sa komunidad, dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Kasabay nito, lumabas ang warrant of arrest noong Setyemhre 24 para sa kasong grave threat laban kay Donny Dugay, myembro ng katutubong grupo na nag-barikada laban sa mining exploration ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) at ama ni Lei Jin Dugay. Agad siyang pumunta sa Municipal Trial Court ng Kasibu para mag-voluntary surrender at maghain ng P18,500 na pyansa.

Sa parehong araw, inaresto si Glen Guingayan, konsehal ng bayan ng Kasibu, para sa kasong cyberlibel habang naka Facebook live ang mga nasa barikada ng mga residente sa Barangay Pacquet. Nakalaya din siya kinabukasan matapos magpyansa ng P252,000.

Dagdag dito, sinampahan ng kasong bigong pagpatay ang siyam na nagtatanggol sa barikada dahil sa kanilang pagpigil sa isang empleyado ng Crescent Minding Development Corporation (CMDC) na nagtangkang alisin ang kanilang trak ng gulay na hinarang sa Guinaoang -Colocol Road, Mankayan, Benguet noong Setyembre 8.

Ayon sa salaysay na inihain sa korte, ni-hotwire (pagpapaandar ng kotse nang walang susi sa pamamagitan ng pagdugtong ng mga kable) ni Feliciano Gaceta (isang locksmith) ang 10-wheeler na trak ng isa sa mga residente ngunit hindi niya alam paano ito paandarin. Dahil dito, iminaneho ni Kirol Okubo, empleyado ng CMDC, ang trak para alisin ito sa daan. Nang makita ng mga residente ito, agad nilang hinila si Okubo palabas upang pigilan itong tangayin ang trak.

Inakusahan ni Okubo na binugbog, tinadyakan at pinalo siya sa ulo ng isang bakal o kahoy sa loob ng 15-minuto ng mga residente. Taliwas ito sa ulat ng medico legal at CT scan na nagsasaad na wala siyang natamong pinsala maliban sa ilang gasgas. Ang mismong pulis na gumawa na ulat ay tinawag ang insidente bilang “slight physical injury” lamang.

Sa sarili niyang sinumpaang salaysay, hayagang inamin ni Okubo na kumuha ang CMDC ng isang locksmith upang buksan ang pinto at i-hotwire ang isa sa mga trak, nang wala ang susi o pahintulot ng may-ari. Ayon sa mga residente, lehitimo ang naging aksyon sa pagpigil sa tangkang carnapping dahil walang karapatan ang empleyado ng CMDC na galawin ang kanilang trak.

The post Mga kasong isinampa laban sa mga residente kontra mina sa Nueva Vizcaya, ibinasura appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.