Tinuligsa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang limos na ₱1 dagdag-pasahe ng rehimeng Marcos para sa mga tsuper at opereytor ng dyip. Pinalalabas ng rehimen na ang pagbibigay ng dagdag-pasahe ay pagmamagandang-loob sa harap ng sumisirit na presyo ng petrolyo sa bansa.

Noong Setyembre 25, inianunsyo ng Department of Transportation na inaprubahan nito ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbigay ng dagdag sa minimum na pasahe sa mga public utility vehicle o PUV. Ang desisyon ng ahensya ay anim na buwan mula nang maglabas ng rekomendasyon ang LTFRB para sa kakarampot na dagdag-pasahe noong Marso, na agad sinuspinde ng rehimeng Marcos.

Itataas mula ₱13 tungong ₱14 ang minimum na pasahe para sa unang apat na kilometrong byahe ng mga tradisyunal na dyip. Lagpas sa unang apat na kilometro, sisingil ng ₱2/kilometro mula sa dating ₱1.8/kilometro. Sa mga modern dyip, ang minimum na pasahe ay magiging ₱17 mula sa dating ₱15, at magiging ₱2.4/kilometro mula sa dating ₱2.2/kilometro ang singil lagpas sa minimum.

Magtataas din mula ₱13 tungong ₱15 ang pasahe sa mga ordinaryong bus sa National Capital Region (NCR). Tatlong piso naman ang taas-pasahe sa de-aircon na mga bus sa NCR mula ₱15 tungong ₱18. Magpapatupad din ng pansamantalang dagdag-pasahe sa mga UV express at taksi. Sisimulang ipatupad ang mga ito sa Setyembre 28.

“Insulto ang ₱1 dagdag-pasahe samantalang nasa ₱3,000 kada araw na ang gastos ng ordinaryong tsuper ng dyip sa diesel,” ayon sa Piston. Sa National Capital Region, pumalo na sa abereyds na ₱105.93/litro ang diesel, ₱92.43/litro ang gasolina at ₱153.12/litro ang kerosene.

Anang grupo, anim na buwang pinaghintay ang mga tsuper at opereytor at ngayon ay lilimusan lamang ng pisong minimum at bente sentimos kada kilometro. “Pero sa anim na buwan na iyon ay hinayaan ang Petron, Shell, at Caltex na pumaldo (kumita nang malaki),” anito. Patunay nito ang ₱3.8 bilyong malinit na kita ng Petron sa unang hati ng 2026.

Dagdag ng grupo, sadyang inutil ang rehimeng Marcos dahil hindi nito kayang rendahan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at nagbibingi-bingihan sa panawagan tanggaling ang value-added tax at excise tax sa petrolyo. Ayon sa Piston, kung tatanggalin ang mga buwis na ito ay ₱17.00 kada litro kaagad ang mababawas sa gastusin ng mga tsuper. “Piso lang ang ibinibigay sa atin pero ₱544 milyon ang arawang koleksyon ng gobyernong Marcos sa buwis sa langis,” anito.

Ayon sa grupo, lalong itinulak ng rehimeng Marcos ang masang tsuper at opereytor na ikasa ang welgang transportasyon sa darating na Setyembre 29-30. “Inutil pa rin ang gobyernong Marcos. Walang puso sa tsuper at mamamayan. Tuloy ang welga!” anito.

Mayroong anim na panawagan ang Piston sa ikakasang pambansang tigil-pasada. Isusulong nito ang pagpapatupad sa ₱1200 nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa, ang ₱10 dagdag-pasahe sa mga tsuper ng dyip, at lahat ng dagdag pasahe sa ibang moda ng transportasyon. Panawagan rin nito na tanggalin ang VAT (value-added tax) at excise tax sa krudo at lahat ng pangunahing bilihin.

Giit nila na i-rolbak sa ₱55.00/litro ang presyo ng krudo, at itigil ang labis-labis na pagpipresyo ng mga kumpanya ng langis. Ipapanawagan rin ng welga ang pagbasura sa oil deregulation law, pagsasabansa sa industriya ng langis, pagwawakas sa gerang agresyon ng US sa buong daigdig.

The post ₱1 dagdag-pasahe ni Marcos, insulto sa tsuper, opereytor—Piston appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.