Para sabihin ng gobyernong pang-gamer lang ang Discord ay napakairesponsable dahil wala itong respeto sa datos.
![]()
Hindi pinag-isipan. Walang pakialam.
Nagdesisyon ang gobyernong i-ban ang Discord dahil ginagamit diumano ng masasamang elemento. Wala pang 24 na oras, ibinalik muli ang app na ito dahil sa reklamo ng malawak na mamamayan. Humingi ng paumanhin ang ilang opisyal ng gobyerno. Ang dating na-block, naibalik na.
Tapos na ba ang isyu? Hindi. Sinasalamin kasi nito ang kawalan ng pag-iingat sa pagpapatupad ng mga polisiya. Importante ring isakonteksto ang pagdedesisyon sa limitado o wala talagang konsultasyon sa mga apektado.
Para sa mga hindi pamilyar sa Discord, ginagamit ang app na ito bilang linya ng komunikasyon sa internet. May bentahe ito para sa mga may limitadong koneksiyon dahil mababa lang ang bandwidth na nakokonsumo nito. Kahit na medyo bumabagal lalo na kung marami ang nag-uusap, nakakaya pa namang mababa ang bandwidth lalo na kung naka-off ang lahat ng kamera (at siyempre’y audio at chat lang ang pinapagana).
Akala ng mga nasa kapangyarihan, mga gamer lang ang gumagamit nito. Kung sabagay, mabilis kasi ang audio call sa mga online gamer na naglalaro kaya nakakagawa sila ng estratehiya para matalo ang kalaban. Pero kahit na sikat ito sa gaming community, hindi maikakaila ang pakinabang nito sa mga guro lalo na noong pandemya.
Sa paggawa ng Discord server, posibleng magkaroon ng “virtual classroom” lalo na para sa mga guro’t estudyanteng nagtitipid sa bandwidth. Batay sa personal na karanasan, mabilis ang uploading ng mga electronic file sa server, pati na ang posting ng mga announcement. At ang pinakaimportante, sa server mismo ginagawa ang mga video call na nagsisilbing online classes.
Hindi man kasing-high tech tulad ng Google Meet, Microsoft Teams at Zoom, libreng nagagamit ang Discord. Hindi kailangan ng paid subscription para sa unlimited na meetings at voice calls. Sa libreng account ay puwede ring magkaroon ng hanggang 100 partisipante sa isang group call kahit na limitado lang ang puwedeng mag-video streaming. Kung ikukumpara sa Zoom na hanggang 40 minuto lang ang isang online meeting, iba pa rin ang bentahe ng Discord!
Sa ganitong konteksto dapat suriin kung bakit maraming gumagamit ng Discord sa Pilipinas. Dahil 97% ng mobile users ay gumagamit ng prepaid, mahalaga ang bawat piso ng load at bawat gigabyte ng mobile data. Baka hindi ito alam ng mga nasa kapangyarihan dahil kasama sila sa mga pinagpalang may postpaid accounts na kayang magbayad ng libo-libo bawat buwan, bukod pa sa mabilis na Internet connection sa opisina at maging sa bahay.
Mahalaga ang datos sa mobile telephony dahil 98.8% ng internet users ay gumagamit ng cellphone para makakonekta. Kahit na may mga bahay namang may internet access at posibleng gamitin ang router para mabigyan ng koneksiyong wifi ang cellphone, lumalabas na 48.8% lang ito ng mga bahay sa buong Pilipinas.
Sa madaling salita, may tendensya talaga ang maraming Pilipinong magtipid ng load at bandwidth sa paggamit ng mga app lalo na sa komunikasyon. Para sabihin ng gobyernong pang-gamer lang ang Discord ay napakairesponsable dahil wala itong respeto sa datos.
Hindi pinag-isipan. Walang pakialam. Huwag nang magulat kung basta-basta na lang naglalabas ng desisyon nang walang malalim na pananaliksik.
Sino ba naman sa mga tagagobyerno ang gumagamit ng Discord samantalang may pambayad naman sila sa premium services ng iba pang app para sa komunikasyon? Handang nilang ipagbawal ang mga bagay na wala silang alam. Palibhasa, hindi sila apektado!
Tapos na ba ang isyu? Hindi. Tandaang ganitong klaseng gobyerno mayroon sa Pilipinas. Humingi man ng kapatawaran sa nangyari, hindi pa rin katanggap-tanggap ang disposisyon nila.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sahttps://risingsun.dannyarao.com/
The post Discord appeared first on Bulatlat.
From Bulatlat via This RSS Feed.


